LEGAZPI CITY – Hindi na nagawang mailigtas pa ang buhay ng isang ama matapos na batuhin ng sariling anak sa Barangay Sicmil, Gigmoto, Catanduanes.

Kinilala ang biktimang si Vidal Obias, 62-anyos, habang ang anak ay si Rene Obias, 32-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PO1 Ronald Abogado ng Gigmoto Municipal Police, nabatid na nagkaroon muna ng argumento ang mag-ama base sa salaysay ng mga kapitbahay.

Sinugod umano ng lasing na si Vidal ang anak dala ang isang gulok habang pumulot naman ng bato si Rene upang depensahan ang sarili.

Nakailag si Rene sa tangkang pananaga ni Vidal at bilang ganti, binato nito ang ama na sakto namang tumama sa kaliwang bahagi ng ulo na dahilan ng agarang kamatayan nito.

Samantala, kusang sumuko kay Punong Barangay Ereberto Olesco si Rene na agad nai-turnover sa pulisya.

Sa ngayon, inihahanda na ang kasong parricide na isasampa laban sa suspek habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Advertisement