San Miguel, Catanduanes – Wala ng buhay nang matagpuan ng kaanak ang isang kagawad ng barangay Pacogon ng San Miguel noong nakaraang linggo.

Sa ulat ni Senior Inspector Brual ng San Miguel Police, ika-anim ng umaga noong April 19, 2018 nang matuklasan ni Perfecto Morales na nakabitin sa puno ng isang langka ang kanyang kapatid na si Kagawad Edison Morales, 59 anyos.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, balisa umano at halos hindi umiimik si Edison ilang araw bago ito nagpakamatay. Ayon sa mga kaanak, walang problemang naidaing sa kanila si Edison maliban sa malubhang karamdaman na iniinda nito. Ngunit ayon sa iba pa, malaki umano ang hinanakit ni Edison sa pamilya. Noong araw daw na malakas ito ay kaagapay ito ng pamilya sa pagtataguyod ng kabuhayan, ngunit ngayon umanong may sakit na ang biktima ay wala umano itong tulong na nakukuha sa pamilya.

Ayon kay PSI Brual, bagaman walang iniwang suicide note ang kagawad, wala naman umano silang makitang palatandaan ng isang foul play sa naging pagpapatiwakal ng biktima. Ito umano ay simpleng kaso ng isang depresyon na hindi kinayang imaniobra ni Edison.

Advertisement