SAN ANDRES, CATANDUANES – Malubhang nasugatan ang isang 54 anyos na ama matapos itong saksakin ng sariling anak noong nakaraang linggo sa barangay ng Alibuag sa bayang ito.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Chief of Police (COP) Antonio Perez ng San Andres Police, dakong ika-sampu ng gabi nangyari ang nasabing insidente kung saan pareho umanong nakainom ang mag-amang sina Efren Antonio, Sr at ang anak nitong si Jason Antonio.

Ayon sa pulisya, nagkaroon ng isang mainit na pagtatalo ang mag-ama na naging dahilan upang kumuha ng patalim si Jason. Nagpambuno umano ang mag-ama hanggang sa maundayan ng saksak ni Jason ang ama. Itinakbo sa JMA Hospital si Efren ngunit inilipat din sa EBMC.

Away pamilya ang lumalabas na motibo ng pananaksak ayon sa pagsisiyasat ng mga pulis. Ayon kay COP Perez, tumanggi umano ang ama na sampahan ng asunto ang sariling anak dahil hindi raw nito maatim na makitang nakakulong si Jason. Ganoon pa man, desidido ang pulisya na ituloy ang demanda lalo pa’t ang pangyayari ay nakapaloob sa 8 Focus Crime ng PNP. Dagdag ni Perez, maari umanong mag-areglo na lang sa lebel ng piskalya ang mag-ama.

“But as to the filing, we will file the case,” pagtatapos ng opisyal.

Advertisement