CARAMORAN, CATANDUANES – Nalagay sa balag ng alanganin ang buhay ang isang Sangguniang Bayan ng Caramoran matapos itong barilin ng riding in tandem noong nakaraang linggo sa barangay Sabloyon.

Sa ulat ng Caramoran police, pasado ikalawa ng hapon noong Enero 21, 2020, habang pauwi sa kanyang tirahan sa barangay Supang si Coun. Zaldy Idanan, nang umano’y paputukan siya ng riding in tandem mula sa kanyang likuran. Pagkatapos ng pangyayari ay agad umanong sumibat papalayo ang sasakyan ng hindi  nakilalang salarin.

Ganoon pa man, nagawa umano ni Idanan na makahingi pa rin ng saklolo sa PNP Detachment na may dalawang-daang metro lamang ang layo mula sa lugar ng pamamaril. Sa tulong ng kapulisan, naisugod ang konsehal sa Datag district Hospital at kalaunan ay inilipat sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC).

Nagtamo ng isang gunshot wound mula sa kanyang tagiliran at lumagos sa may dibdib at ang punglo ay bumaon sa kanyang braso. Nagkaroon ng pinsala ang kanyang baga, at sa pamamagitan ng isang operasyon, nakuha ang bala ng hindi pa nadedeterminang kalibre ng baril dalawang araw matapos ang pamamaril.

Patuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng mga pulisya kaugnay sa nangyari. Batay sa record, nasangkot na umano sa isang VAWC case si Idanan, maliban pa ang naging pagkakasangkot nito sa ilang iligal na gawain katulad ng illegal logging at maging illegal drugs.

Ayon kay Caramoran PNP Chief PCpt. Ariel Buraga, isa umanong drug surrenderer ang konsehal pero ayon umano dito, huminto na siya sa nasabing iligal na gawain. Sumailalim din umano ito sa rehabilitation phase subalit sa last phase ay hindi na nakasabay dahil sa problema nito sa mata. Ganoon pa man, hindi pa rin isinasantabi ng otoridad ang anggulo na may kaugnayan sa droga ang naturang insidente.

Hanggang ngayon, wala pa ring lead sa naging pamamaril kay Idanan. Patuloy ang apela ng kapulisan sa publiko para sa maaring pagkakilanlan sa riding in tandem. Ayon kay Buraga, masusing iniimbestigahan nila ang pangyayari para matukoy ang mga salarin. Matatandaang, hanggang ngayon ay wala pa ring lead kung sino ang nasa likod sa panghohol-up at pamamaslang sa isang guro nitong nakalipas na Disyembre. (RAMIL SOLIVERES)

Advertisement