Bato, Catanduanes – Positibo si Lone District Congressman Eulogio “Leo” Rodriguez sa proyektong Friendship Bridge (FB) o tulay na kokonekta sa lalawigan ng Catanduanes at Camarines Sur.

Aniya, nitong mga unang araw ng kanyang panunungkulan sa kongreso, nakausap niya ang ilang mga personalidad maging ang mga kaagapay na solon sa Bicol Region para sa mga produktibong panukala pabor sa mga mamamayan ng Catanduanes.

Inilahad ni Cong. Rodriguez na nagkaroon sila ng initial na pag-uusap ni Camarines Sur Congressman L-Ray Villafuerte hinggil sa naturang proyekto.

Malaki aniya ang magiging economic impact nito hindi lamang sa lalawigan ng Catanduanes kundi maging sa lalawigan ng Camarines sur. Katunayan, ang lalawigan ng Catanduanes aniya ang entry at exit point ng mga turista patungo sa bayan ng Caramoan peninsula dahil sa mga rock formations at adjacent ito sa isla.

Sa panig ng Catanduanes magiging bukas umano ang lalawigan sa mainland maging sa mga investors dahil 24 oras pwede ng bumyahe papalabas at papasok ng isla maging mga residente. Nagawa na rin aniya ito sa ibang lugar  sa bansa kung kaya’t hindi malayong mangyayari kung pagsusumikapan sa lalawigan.

Dito rin aniya pwedeng idaan ang expensive na cable submarine na naging pet project ni dating kongresman Hector Sanchez kaysa ilalagak ito sa ilalim ng dagat.

Matatandaang, unang isinulong ni dating gobernador Cely Wong ang naturang proyekto sa tulong ni dating gobernador at Kongresman Leandro Verceles, Jr. subalit dahil sa budgetary requirements kung kaya’t hindi ito naisakatuparan.

Bagamat expensive at matagal umano ang naturang proyekto, idadaan naman ito sa proseso kung papano mabibigyan ng pondo sa national o kaya sa iba pang option maging sa pamamagitan ng public private partnership (PPP).

Samantala, anim na legislative measures na ang isinumite ni Rodriguez sa kongreso. Kabilang rito ang #House Bill No. 2001 – An act allowing the use of waste to energy technology in electricity, fuel and heat generation, and for other purposes. Layunin aniya nitong magkaroon ng alternatibong sources of electricity ang lalawigan sa pamamagitan ng mga renewable energy.

#House Bill No, 2002 – An act establishing the Catanduanes People Center and creating the Catanduanes People Center Authority in the Municipality of Virac, Province of Catanduanes and appropriating funds therefor. Layunin din aniya nitong mabawasan ang pasanin ng mga mamamayan para maka-avail ng services ng mga ahensya ng pamahalaan, kagaya ng NBI, PRC, DFA at marami pang iba.

House Bill No. 2004 – An act creating for the retirement benefits for substinence farmers and fisherfolk, and appropriating the funds. Dapat aniyang merong magiging benepisyo sa mga magsasaka at mangingisda sakaling nasa edad na sila na halos hindi na makapaghanapbuhay.

House Bill No. 2005 – An act establishing a multispecies freshwater and saltwater fish hatchery and research center in the Municipality of Bato, Province of Catanduanes, and appropriating funds therefor. At ang mga batas para na magdedeklara sa mga mahahalagang pagdiriwang sa lalawigan bilang non-working holiday.

Kabilang dito ang mga sumusunod:  # House Bill No. 2003 – An act declaring December 7 of every year a Special Non-Working Holiday in Virac, Catanduanes to celebrate the “Kaaldawan nin Virac”

#House Bill No. 2006 – An act declaring the 4th week of May as Special Non-Working Holidays in the Province of Catanduanes to celebrate the “Abaca Festival” and for other purpose.

Ayon kay Rodriguez, bilang neophyte solon, maliban sa komitibang mapupunta sa kanya, nagsimula na umano siyang makipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan na makakatulong sa pagresulba sa mga samu’t saring problema ng lalawigan, kagaya sa health at education.

Nitong nakalipas na linggo, nakipagpulong na umano siya sa ilang opisyal ng DepEd maging DOH para sa naturang mga usapin.

Sa kabila aniya ng pagiging abala sa session sa kongreso, sisikapin niyang maging visible sa lalawigan ng Catanduanes para sa dayalogo at monitoring ng mga mahahalagang proyekto at programa ng congressional office. (Ferdie Brizo)

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.