Outgoing Fortez, legacy ang pagiging conflict-free province ng Catanduanes

POLICE REPORT
Typography

San Andres, Catanduanes – Ang pagkakadeklara sa lalawigan ng Catanduanes bilang “conflict-free province” ang itinuturing na greatest achievement ng out-going commander ng 83rd Infantry Battalion ng Philippine Army na si Lt/Col. Bernard Fortez.

Magugunitang noong mga huling araw ng Nobyembre nang ideklarang mapayapa na ang lalawigan pagdating sa insurgency kung saan positibong tinuran ang umano’y na-kontrol na nila ang pagkalat ng rebelyon sa lalawigan.

Sa buong Bicol, ikalawa ang Catanduanes sa may katulad na deklarasyon kasunod ng Albay. Ilan sa kahalagahan ng deklarasyon ang pagbubukas ng isang lalawigan para sa kaunlaran, particular sa ekonomiya.

Si Fortez ay naupo bilang commanding officer ng Philippine Army noong Pebrero 26, 2013. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, nakapaglunsad siya ng tatlong malalaking engagement. Una rito ay ang madugong engkuwentro sa Sitio Lauman ng barangay Manambrag noong Marso 2013 kung saan nakumpiska mula sa mga rebelde ang iba’t-ibang uri ng mga armas, mga bala, dalawang Improvised Explosive Device (IED) at iba pang aksesorya. Sa engkuwentro ring ito napatay ng sundalo ang mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) na sina Anthony Baldrez ng barangay Tucao, Caramoran at Christopher Zuniega ng barangay Tibang-Calatagan.

Sa loob ng dalawang taon bilang commander, apat na rebelde ang naibalik ni Fortez sa pamahalaan kung saan dalawa rito ay naging enlisted regular force pa ng Philippine Army samantalang ang dalawa pa ay napabilang din sa maraming iba pa na tumatanggap ng iba’t-ibang benepisyo at kabuhayan mula sa pamahalaan bilang mga returnees.

Sa pamamagitan din ng Bayanihan activities na pinaigting ni Fortez pitong bayan ang nabiyayaan nito kung saan nakikilahok sa mga aktibidad ng barangay ang pwersa ng kasundaluhan. Dahil din sa intervention ng Philippine Army kaya nalutas ang maraming problemang pang-Agraryo at nabawi ng maraming kababayan natin ang mga lupain na umano’y inagaw sa kanila ng mga rebelde. Kaugnay nito tumibay ang kumpiyansa ng komunidad sa mga sundalo at naging daan ang partisipasyon ng komunidad upang ma-clear out ang nalalabing 11 less influenced barangays mula sa mga bayan ng San Miguel at Caramoran.

Sa kanyang pag-alis, wika ni Fortez, mission accomplished umano siya sa kanyang naging misyon sa lalawigan at umaasa siyang ipagpapatuloy ng papalit sa kanya ang kanyang mga nasimulan. (RAMIL D. SOLIVERES)