2 menor, biktima ng pang-aabuso ng stepfather

POLICE REPORT
Typography

VIRAC, Catanduanes – Dalawang menor de edad na dalagita, may mga edad na 15 at 16 ang kusang dumulog sa otoridad upang ipagharap ng reklamo ang stepfather na umano’y nang-abuso sa kanila.

Batay sa impormasyon, si Babydoll (hindi tunay na pangalan), edad 16 ay naninirahan kasama ang kanyang stepfather sa isang malayong barangay ng Virac matapos umano magtungo sa Maynila ang kanyang ina. Bago ang Semana Santa, nagkaroon ng panauhin mula sa Maynila si Babydoll, ang kanyang kaibigan na si Marie (hindi tunay na pangalan), 15 taon gulang at tumuloy sa kanila.

Noong nakaraang linggo, ilang araw ng panunuluyan ni Marie sa kaibigang si Babydoll, nagkwento ang dalagita na ginahasa umano siya ng inaama ng kaibigan. Ayon kay Marie, mahimbing umano siyang natutulog nang kubabawan siya ng lalaki. Umiral ang lakas ng lalaki hanggang tuluyan nitong mailugso ang kanyang puri.

Hindi umano nag-atubili si Babydoll na dalhin sa mga opisyal ng barangay ang kaibigang si Marie at doon ay muling isinalaysay ni Marie ang kanyang naging karanasan. Ngunit habang nagku-kuwento umano si Marie ay nagsimula na ring umiyak si Babydoll, hanggang sa aminin niyang siya man ay biktima ng ilang beses na pangmmolestiya ng kanyang stepfather.

Agad na inihatid ng barangay officials ang magkaibigan sa himpilan ng pulisya at inaresto ang 47 taong gulang na suspek na kinilala sa pangalang Roberto Faustino. Ang suspek ngayon ay nahaharap sa mga kasong Rape para kay Marie at Acts of Lasciviousness in relation to 7610 ang isinampa naman kaugnay sa pinagdaanan ni Babydoll. Ang magkaibigan ngayon ay nasa pangangalaga ng Virac Social Workers. (R. Soliveres)