Capitol Hotseat

AB Erito
Typography

Virac, Catanduanes – Inihayag ni Jerry Beo, Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer (PDRRMO) na sa kasalukuyan nasa proseso na sila ng pag-iimplementa ng kanilang mga proyektong aprobado na ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM).

 

Ayon kay Beo, 60% ng pundong nakalaan sa kanilang tanggapan ang para sa Infrastructure – Disaster Mitigation Projects katulad ng mga evacuation centers, river control projects, drainage systems, at iba pa.

Balak umano nitong gawing bukas ang kanilang opisina sa buong lingo na mayroong dalawang shifting ng mga personahes na magaantabay para sa mga mangangailangan ng responde, ayon kay Beo. Balak din umano nilang magkaroon ng ambulansiya na maaaring gamitin sa mga emerhensiya maliban sa pagbibiyahe ng mga indigent patients na walang kakayahang bumayad na ambulansiya.

Nakatakda naman umanong makatanggap ng pundo ang kanilang tanggapan mula sa DILG Performance Fund na maaaring gamitin ni Governor Cely Wong para sa pagbili ng isang Rescue Truck.

Nakatakda naman umanong isagawa ng DILG ang kanilang evaluation para sa Seal for Good Local Governance kung saan anim na core area ang dapat matugunan ng probinsiya, tatlo dito mandatory at dapat matugunan ng LGU, para makapasa dito. Pinakamahalaga umanong matugunan ang disaster preparedness kung saan 76% na nakatuon ang atensiyon ng DILG dito.

Samantala, ginagamit na umano nila ang natitirang balanseng pundo mula sa nakaraang administrasyon at sa pamamagitan ng resolusyon ng council na nakahain na ngayon sa SP, para sa approval nito, maaari nang makumpleto ang warehouse na gagamitin nila para sa pag-imbak ng relief items.

Kabilang din sa paggagamitan ng pundo ang pagpapatapos ng tatlong na evacuation centers na kinabibilangan ng: Cagdarao, Abihao, at Summit. Sa ngayon naghihintay umano ang kanilang opisina ng tugon mula sa Human Resource Management Office ng probinsiya para malaanan ng mga kinakailangang personahes ang kanilang tanggapan katulad ng pagtatalaga ng Local DRRM Officer at iba pang kinakailangan posisyon ayon sa itinatakda ng RA 10121 o mas kilala bilang Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Panawagan naman ni Beo na sana mapadali naman ang pagpapalabas ng pundo ng probinsiya lalo na sa mga kinakailangan ng kanilang tanggapan kung saan naihalimbawa nito ang kanilang emergency purchase request, noong Enero, para sa medical supplies na dapat sana’y gagamitin ng kanilang emergency noong ginanap ang Palarong Bicol subalit hanggang sa ngayon hindi pa ito natutupad. (Ed Rodulfo)