Buklo Na Hihirit

AB Erito
Typography

Pa Walang nangyari sa ginawang sesyon ng SP noong martes sa Golden Bay Restaurant matapos na pumalya umano ang kumpanyang Lim Solar Ventures Philippines Inc. para kumbinsihin ang mga dumalong PBM na aprobahan na ang iniaalok nitong solar energy.

 

Wala umanong naipakitang company profile ang Lim Solar upang makumbinsi ang mga PBM na lehitimo ang mga taong nasa likod ng kumpanya. Panay proyektong naipatupad sa Amerika din daw ang ibinida ng naturang kumpanya kung kaya’t nagdududa ang iba kung may naipatupad na itong proyekto sa bansa.

Kung ganito ang pangyayari lalabas na dito sa Catanduanes gagawin ang pag-eeksperimento para sa paglalagay ng solar energy set-up. Kumbaga ang kapitolyo ang sasampulan ng naturang kumpanya. Testing mga kaperyodiko

*******

Itinatanggi naman ng gobernadora na may kinalaman ito sa ginawang pagpupulong ng mga PBM sa kaniyang restawran kamakailan. Sa kabila ng ipinalabas na travel order ng mga opisyal ng probinsiya na pirmado ng punong-ehekutibo tudo-tanggi ang gobernadora. Lumalabas na may nangyari na namang palusot sa pangyayaring ito lalo pa’t nabuking muli sa media. Parang yung nangyari sa Friendship Bridge na nagsagawa na ng konsultasyon sa publiko at mga pagdinig sa SP kahit pa wala naman daw pag-eendorsong nagmula sa gobernadora. Buti na lang nakaligtas si Bise-Gobernador Bong Teves dahil nasa bakasyon umano ito sa Europa. Kung nagkataon pala nabukulan muli si Vice.Nakuryente sanang muli mga kaperyodiko.

*******

Humihirit daw ang suplayer na madaliin ng probinsiya ang pagpapalabas nito ng Letter of intention (LOI), sa lalong madaling panahon, para masimulan na ang pagpapatupad ng proyekto. Nagbabanta pa raw ang suplayer na kung maaantala pa ang pagpapalabas ng LOI malamang mag-IPP (Independent Power Provider) na lang ito dahil may pending application na daw ito sa Department of Energy (DOE) para sa pagpapatayo ng 5MW power plant.

Seryoso kaya ang kumpanyang ito o nananakot lamang? Mas mainam kung ituloy na lang nito ang pagiging IPP para manginabang ang buong probinsiya sa 5MW na plantang balak nitong itayo. Panawagan sa Lim Solar ituloy nyo na lang po yung aplikasyong ninyo sa DOE para mawala na ang pagdududa ng mamamayan.

*******

Wala naman daw ginastos ang lokal na pamahalaan ng probinsiya sa ginawang sesyon ng SP sa Golden Bay ayon sa proponent ng meeting dahil sinagot daw ng gobernadora ang nagastos sa pagpupulong. Wala palang kuwenta ang ginawang travel order para sa naturang okasyon kung saan nakasaad na mayroong pagkukunang pondo para sa mga magagastos sa pagbibiyahe. Malinaw ang nakasaad sa travel order:

“Your travel and other incidental expenses shall be charged to appropriate fund source subject to usual accounting and auditing rules and regulations”. Aber, matingnan nga kaperyodiko dahil nakasaad din sa TO na: “Pursuant to Memorandum Order No. HRWDD - 003 dated 20 January 2011, travel report should be prepared and submitted to HRMDD upon return from travel”. Sabi nga ng mga bata, lukuhin mo ang lelang mong panot!

*******

Hugas kamay naman daw ang puno at may kinalaman sa isinagawang sangguniang panlalamyerda sa Pasay City. Napapatanong pa daw ang onorableng mamâ kung bakit gayun na lamang ang pagdududa ng mamamayan na may “niluluto” ito sa ginawang sesyon sa Golden Bay. Natural lang po yun bossing dahil restawran ang pinagdausan n’yo ng sesyon. Natural lamang naman na may mga “niluluto” sa mga restawran dahil mayroon naman nag-oorder sa mga pumapasok dito. Kung hindi pa rin po kayo kumbinsido sa eksplinasyon ko, itanong n’yo na lang sa buwan.

*******

Nagtatanong naman ang ilang kaperyodiko kung sino talaga ang may pakana sa ginawang meeting na ito sa Pasay City lalo’t nakasaad sa internal rules ng SP na kinakailangan ang pagsang-ayon ng SP members kung hindi sa SP Session Hall ng Provincial Capitol Building tuwing Lunes, ikalawa ng hapon gagawin ang regular na sesyon. Itatanong natin yan sa sekretaryo ng SP na si Ginoong Ursus De Quiros mga kaperyodiko. Abangan! @09283230774