Crash course

AB Erito
Typography

Kinakailangan nang pagtuunan ng pansin ng pamahalaang lalawigan ang patuloy na pagsadsad ng ranggo ng probinsiya sa ating regional sportsfest. Kung ihahambing sa mga lalawigan sa buong Bicol, pangalawa na tayo sa pinakakulilat.

 

Nauungusan na rin tayo ng mga siyudad sa Bicol na mas maliit ang tsansa ng pagpipilian ng manlalaro kung ihahambing sa ating lalawigan na makakapamili ng manlalaro ng mahigit sa sampung beses kumpar sa mga siyudad na ito.

Hindi na katanggap-tanggap ang mga kadahilanang ibinibigay ng ating mga sports officials na kakulangan sa tao at pondo upang maitaguyod ang maayos na sports program. Sa panahon na ito ng digital age libre nang makukuha ang mga magagandang sports program para makabuo tayo ng mahusay na mga manlalaro sa probinsiya.

Diskarte na ng mga kinauukulan ang nagkukulang at hindi na lamang ang kakulangan sa budget ang dapat na palagiang sisihin. Kung hindi kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin mas makabubuti sigurong palitan na lamang ang maga ito upang bigyang daan ang ibang mga maaaring mamuno sa pagsasany ng mga atleta.

*****
Dahil sa nangyaring panunugod sa kapitolyo nakausap daw ng taga-hudikatura ang pinaghihinalaang suspek sa pangongolekta ng panuhol mula sa operasyon ng lotteng. Tudo tanggi daw ang mama na may-kinalaman ito sa usapin.

Sinasabing nakakapag-transaksyon daw ang suspek sa kapitolyo maliban sa ibinibintang ditong iligal na gawain na pagkolekta ng payola para daw sa matataas na opisyal at iba pang personalidad sa lipunan.

Sinasabi ring P30,000.00 ang pinakamataas na halagang kinokolekta ng suspek mula sa operasyon ng lotteng kada linggo na panuhol sa isang opisyal ng lalawigan maliban pa sa halagang para naman sa ibang personalidad.

Mukhang nakarami na kung ganun ang suspek lalo na’t tudo-tanggi ang mga itinuturong nasuhulan na diumano at nakatanggap ng payola. Sa pinakahuling balitang nakalap ko, tumanggi na daw lumabas sa publiko ang itinuturong suspek upang linisin ang kuwentong ito.

Mukhang tumalilis na mga kaperyodiko palabas ng isal at baka tangay na ang nakulimbat este nakolekta pala…

*****
Nauna na palang magbaba ng kanilang pamasahe ang ferry boat na biyaheng Virac –Tabaco kung kaya’t ipinupukol ni Bise-Gobernador Jose Bong Teves Jr. ang kaniyang hamon sa iba pang ferry boat na bumibiyahe sa probinsiya na tumugon din sa panawagan ng publiko na ibaba ang pasahe sa barko dahil sa pagbaba ng presyo ng krudo sa merkado.

Kung ganito ang naging tugon ng ferry boat wala na rin sigurong maidadahilan ang nasa hanay ng pampublikong transportasyon kagaya ng mga bus, van, jeepney at maging traysikel na hindi rin ito makatugon sa panawagan dahil hindi naman makatarungang sila lamang ang manginabang sa katipirang sanhi ng pagbagsak ng halaga ng petrolyo.

Hindi ito makakamit ng publiko kung hindi makikialam ang pamahalaan. Kumilos na ang pamahalaang nasyunal, sumunod na ang lalawigan, ang mga pamahalaang bayan kaya? Sumunod din kaya sila? Siguro naman tutugon din ang mga ito bago ang pagdating ng susunod na eleksyon?

Panawagan lang po mga kaperyodiko, sana ganun din kabagal na maalala nyo ang mga pulitikong mabagal din umaksyon sa mga kahilingan nyo. Sana ‘wag naman panay pera na lamang ang nagpapaalala sainyong botohan ang mga ito. Matuto naman sana tayo. Sana lang…

*****
Mukhang makukuryenteng muli ang planong pagpapatayo pamahalaang lalawigan ng Convention Center cum Evacuation Project sa barangay Sto. Domingo. Sa isinagawa kasing joint committee meeting ng SP lumalabas na hindi ito maaaring gawin ng ganun na lamang dahil sa ilang komplikasyon sa pagpapatupad ng proyekto. Nauna na palang nagawan ng master plan ang lugar para sa housing project ng provincial government at municipal government na nakatakda na sanang magkaroon ng ground breaking bago magtapos ang nakaraang administrasyon.

Nabunyag pa nga sa pagpupulong na mayroon na palang mga aplikanteng nagbigay na ng paunang bayad para sa proyekto na mahirap balewalain sakaling ituloy ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang plano. Aprobado na pala ang master plan para sa nasabing proyekto.

Nakatakda pa namang mag-ground breaking para sa naturang proyekto nitong Miyerkules, Abril 15 kasabay ng pagdiriwang ng kapanganakan n gating mahal na gobernadora. Papaano na kaya ito?

*****
My quote for the week: “The most important thing in communication is to hear what isn't being said”. by Peter Drucker