Ganito na lang kami sa probinsiya

AB Erito
Typography

Dalawang araw na inikot ni Vice President Jejomar Binay ang ating lalawigan at nagawa nitong bisitahin ang halos lahat na ata ng bayan sa isla, maliban sa Gigmoto. Sa mga lugar na pinuntahan nito halata daw ang pagsuyo nito sa mga lokal na opisyal hanggang sa mga barangay.

Halata rin daw maging ang panunuyo ni Binay sa mga senior citizens natin hatid ang mansaheng “ganito kami sa Makati” na tumutukoy sa pagpapahalaga ng siyudad sa mga lolo at lola. Subalit umiiwas naman daw ang bise-presidente na matanong sa mga isyung iniuugnay sa kanya nitong mga nakaraan.


Sa dalawang araw na inilagi ng bise-presidente sa lalawigan hindi nito napaunlakan na magbigay ng pahayag sa mga katanungan ng media maliban na lamang sa radyo ng pamahalaan at pili nitong napaunlakang media.

Sa ilang pagkakataon na makakausap na sana ng mga mamamahayag ang pangalawang pangulo ng bansa, mahigpit naman ang pakiusap ng media relations officer ng opisyal na huwag magbabato ng mga katanungang may kinalaman sa pulitika.

Ito po ang ipinapakiusap ng kampo ni Binay kahit pa nagmistula nang political rally ang mga okasyong dinaluhan ng mataas na opisyal sa pagdagundong ng hingi ng suporta nito para sa darating na mga araw.

*****

Hindi na po ako nagtataka mga kaperyodiko na mainis kay Binay ang mga mamamahayag sa national level dahil sa pakikitungo ng opisyal sa mga media. Naranasan ko na po kung gaano kawalang pagpapahalaga ang grupo ng opisyal sa mga mamamahayag na nagco-cover sa pangalawang pangulo.

Sa kabila ng pag-iimbita ng media relation officer ng opisyal na i-cover ng media ang pagdalaw ng opisyal, ni hindi man lamang mapagbigyan ng mga ito ang media na makausap ang opisyal sa pamamagitan ng presscon upang makapagtanong sa layunin nito sa pagbisita sa lalawigan.

Maging ang mga tauhang photographer ng bise-presidente nakikipagsiksikan pa sa mga lokal na mamamahayag sa pagsusumikap na makakuha man lamang ng magandang anggulo na maipapakita sa publiko.
Parang kahalintulad ng masamang gawi sa FB na “post ko, like ko”. Sa barubal na lengwaheng bikol “sadiling pakol”.

Papaano pa kaya kung president na ito? Sa kabila nito tahasan ang deklarasyon ng mga suportadores nito na sigurado ang magiging panalo ng opisyal sa lalawigan lalo na’t kilalang balwarte ang probinsiya ng dating pangulong Erap na tutulong diumano sa kandidatura ni Binay.

*****
Maging ang mga tagakapitolyo nalilito rin sa malakidlat na pagbisita ng bise-presidente sa lalawigan. Kung opisyal daw ang pagbisita bakit mukha daw nakalimutang sundin ang mga kinakailangang protocol sa pagbisita ng pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng bansa.

Pati “courtesy call” sa mga opisyal ng lalawigan, kinaumagahan na nagawa ng opisyal at halatang pilit pa.

Kung personal naman daw ang pagbisita bakit naman dala ng opisyal ang trabaho nito sa mga okasyong dinaluhan nito? Galing daw kaya sa kaban ng bayan ang ginastos sa pagbisitang ito o galing sa bulsa mismo ng opisyal?

Ito ang mga katanungang nalinawan sana kung hinarap lamang ng maayos ng opisyal ang mga nagugulimihang mamamahayag sa isla? Nagtatanong lamang po?

*****

Animo nagkakaroon na din ng kalituhan sa probinsiya sa naging desisyon ng SP na hilingin ang tulong ng Ombudsman para sa imbestigasyon ng kontrobersyal na rescue truck. Lumalabas kasi mga kaperyodiko na ang naging request ng gobernadora na imbestigahan ng SP ang procurement ang napagbatayan ng mga kasapi ng SP para hilingin na lamang na ang Ombudsman na makialam sa imbestigasyon.

Ayon kasi sa gobernadora hiniling nito ang imbestigasyon para makatulong itong malaman kung nagkaroon nga ng katiwalian sa proseso kung kaya’t inaasahan sana ng punong-ehekutibo na magpalabas ng ulat ang SP upang makita at mapagaralan ito sa halip o bago idulog sa Ombudsman ang usapin.

Pati ang bise-gobernador nakitaan din ng animo kalituhan sa usapin matapos magpahayag itong nabigla rin sa mga pangyayari dahil kampante umano ang VG na nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon.

Nagtataka naman ang ilan sa naging pahayag ng bise-gobernador dahil lumalabas na wala itong alam sa pinag-uusapan sa plenaryo ng SP na indikasyon umano na wala na sa kontrol ng bise ang takbo ng proseso sa loob ng konseho.

Siniguro naman ng VG na sisikapin nitong pakiusapan ang mga kasapi ng SP bago maipadala sa Ombudsman ang kahilingan. Abangan na lang natin mga kaperyodiko kung ano ang mga magiging kaganapan sa palibot ng kapitolyo.

*****
My quote for the week: “Be more concerned with your character than your reputation, because your character is what you really are, while your reputation is merely what others think you are”. – John Wooden

Ang ibig sabihin: “Pag-ukulan mo ang iyong karakter imbes na ang iyong reputasyon, dahil ang karakter mo ang naglalarawan kung ano ka talaga, habang ang reputasyon ang nasa isip lamang ng iba kung ano ka.”