Pisil ko sa NEA

AB Erito
Typography

Isang kasamahan namin sa pamamahayag mula sa mainland ang nangumusta sa akin nitong linggo tungkol sa kalagayan ng FICELCO sa kasalukuyan. Ayon sa kasamahan naming mamamahayag, putok na putok daw sa kanilang lugar ang umano’y pagpasok ng NEA sa FICELCO sa darating na mga araw.

Natural mga kaperyodiko, pasisinungalingan ko ang balita ito dahil maayos naman ang itinatakbo ng ating kooperatiba ng kuryente sa isla maliban sa manaka-nakang brownout na nararanasan natin lalo na kung mayroong pumapalyang makina mula sa mga suplayer ng kuryente.

Magkaganun pa man, nakakabahala mga kaperyodiko sa iniwang babala sa akin ng source ko na mag-ingat pa rin sa maaaring mangyari sa kooperatiba. May haka-haka daw kasi sa kanilang lugar na dito sa lalawigan natin susubukan kung papaano isasapribado ang kooperatiba ng kuryente na siyang binabalak ng ilang poderoso sa pamahalaan.

Kung nagtagumpay daw na maisapribado ang isang lugmok na kooperatiba ng kuryente katulad ng ALECO Maaaring dito naman daw sa atin susubukan kung papaano maisapribado ang isang maayos na kooperatiba ng kuryente katulad ng FICELCO.

*****
Anim n irrigation projects ang suspendido ngayon ng NEA sa probinsiya dahil umano sa kahilingan ng kontraktor nito. Ayon sa kontraktor, nakakatanggap ito ng pangha-harass mula sa ilang grupo at ng hindi mapagbigyan ang kahilingan ng mga ito, sinunog daw ang kanilang ginagamit na concrete mixer.

Dahil ditto, napilitan daw ang NEA na irekomenda ang suspension ng pagpapatupad ng proyekto dahil hindi nito maatim na may mangyari sa panig ng kontraktor at ng mga manggagawa.

Ang problema lang mga kaperyodiko, walang ulat mula sa PNP na may nangyaring panununog ng gamit sa konstruksyon sa nabanggit na lugar at sa nabanggit na mga panahon.Mukhang ang kontraktor lang ang tanging nakakaalam ng mga pangyayari.

Kung ganun ang kontraktor din lamang ang nakakaalam ng pagkakasuspendi ng implementasyon ng proyekto. E papano na ngayon ang gobyenro? Maghihintay na lamang kung kalian magiging available muli ang kontraktor? Papaano naman ang mga apektadong magsasaka na umaasa sa proyektong patubig na ito?

*****
Karaniwang nakikialam ang NEA sa operasyon ng isang lugmok at malulugmok pa lang na kooperatiba ng kuryente. Layunin ng pagpasok ng NEA na maibangon ang kooperatiba upang hindi ito tuluyang bumagsak.

Sa kabila nito, isa ito sa mga labis na kinatakutan ng mga kooperatiba dahil sa mga napaulat na hindi magandang resulta. Ayon sa mga lumabas na impormasyon, nakapagpalala ng sitwasyon, imbes na makatulong, ang pakikialam ng NEA sa mga kooperatiba na tinutulungan sana nitong maibangon.

Ito marahil ang tinukoy ng source ko ng ihalimbawa nito ang nangyari sa ALECO na ilang beses na sinubukang maibangon subalit nalugmok pa rin at nakawala sa pagiging ALECO nito.

Ito na rin marahil ang pinangangambahan ng iba pang natitirang kooperatiba ng kuryente sa rehiyon dahil kung magagawa ito sa FICELCO, na tinitingala ng iba dahil sa magandang performance nito, magiging sisiw na ring gawin ito sa natitira pang kooperatiba sa bansa.
*****
Panibagong mga kaso ang iniharap muli laban kay Mayor Flerida Alberto ng Virac. At sa ngayon, ang contract of service naman ng alkalde ang pinupuntirya. Hindi umano dumaan sa tamang proseso ang paghirang ng alkalde sa mga “mag-aaral” kung papano ipatutupad ang pagpapatayo ng Virac Public Market.

Walang bidding daw na nangyari sa consultancy services ng mga mapapalad na napili ng alkaldeng apat na eksperto. Mapalad kasi sinuwelduhan ng tig-P2,035.00 yung dalawang inhenyero kada araw samantalang P1,282.00 naman ang natanggap noong dalawa pa.

Sa kabila ng jackpot nasuweldong natanggap ng apat na mama, wala naman daw naipakitang accomplishment report para sa mga ginawa nito. Baka naman nakatago lang yung report o dili kaya verbal report lamang ang ginawa?

*****
Kapag daw may nakita na tayong mga beteranong mga dating namamayagpag na personalidad sa FICELCO na nakabalik muli sa kooperatiba, yun na daw ang hudyat mga kaperyodiko.

Sana lang, walang kinalaman ang mga pulitiko sa isla sa napapabalitang planong ito sa kooperatiba ng kuryente natin sa lalawigan dahil kung mangyari ito mga kaperyodiko baka maghalo ang balat sa tinalupan.

Maaaring makaapekto sa kanilang mga karera sa darating na taon sakaling makasilip ang mamamayan kahit na anino man lamang ng indikasyon na maaaring magkatotoo ang hinalang itong balitang ito.

Nangangalap na daw kasi ng pondo ang ilang pulitiko sa isla na gagamitin nila sa susunod na taon. Kumbaga pang-“buy & sell”.