VIRAC, CATANDUANES – Binigyang diin ni Gobernador Joseph Cua na nais niyang maideklarang kauna-unahang drug free province ang Catanduanes sa buong Bicol Region, kung hindi man sa buong bansa.
Sa kanyang ulat sa bayan noong Oktubre 16, sinabi nitong patuloy ang pakikipagtulungan ng kanyang administrasyon upang tuluyang masawata ang iligal na droga sa lalawigan. Inilahad ng gobernador ang naitatag na Community-Based Rehabilitaion and Treatment Program (CBRTP) for Surrendering Drug Users (SDUs). Ayon sa kanya, ito ang una at pinakamalaking programa para sa mga surrenderers kung hindi sa buong bansa ay sa buong Bicol Region.
Sa ilalim ng nasabing programa, mahigit dalawang-libo nang SDUs ang natutulungan mula sa pagpapagamot, rehabilitasyon at hanggang sa pagbabagong-buhay. Ayon kay Cua, layunin niya na maideklara ang Catanduanes bilang drug-free province sa buong Bicol.
At dahil sa umano’y seryosong kampanya niya laban sa ipinagbabawal na gamot, binanggit ni Cua ang parangal na tinanggap niya mula sa PNP PRO5 bilang umano’y pagkilala sa kanyang mga pagsisikap na labanan ang droga.
Noong Agosto, nilagdaan ang MOA sa pagitan ng EBMC at ng Malinao Treatment and Rehabilitation Center (MTRC) at naitatag ang MTRC satellite office sa EBMC. Ibig sabihin, hindi na kailangang magtungo pa ng Malinao para sumailalim sa rehabilitasyon kundi dito na gagamutin ang mga Surrendering Moderate Drug Users. Sa kasalukuyan, mayroon na umanong 86 SDUs ang sumasailalim sa rehab.
Samantala, muling itinanggi ni Gov. Joseph Cua na sangkot siya sa operasyon ng nadiskubreng shabu laboratory sa barangay Palta Small noong nakaraang taon, at giit ng gobernador, pulitika ang nasa likod ng mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa nasabing kontrobersiya.
Paliwanag ng gobernador, hindi umano kasama ang kanyang pangalan sa mga nasampahan ng reklamo sa DOJ at wala rin umano siya sa listahan ng narco politics na gobernador. Saksi umano ang lahat na lehitimo ang mga negosyo ng kanilang pamilya.
Panawagan ng gobernador sa kanyang mga kalaban sa pulitika, irespeto umano siya bilang lehitimong halal na gobernador ng lalawigan at igalang ang mandato ng taong-bayan.
“Hindi ko po kailanman sisirain o sasayangin ang tiwala ng publiko sa aking pagkatao at sa aking liderato,” ayon sa gobernador. (Ramil Soliveres)