Virac, Catanduanes – Mangiyak-ngiyak sa tuwa ang kompositor matapos hirangin bilang kampeon ang kantang ‘Ika ang musika’ sa katatapos na Bicol Peryodiko Festival of Music 2017 noong ika-26 ng Oktubre, 2017 sa Virac Sports Center ng bayang ito.

Sa score na 87.6%, halos hindi makapaniwala si John Kim Belangel na ang kanyang orihinal na komposisyon ang tatanghalin bilang grand champion sa nasabing kompetisyon. Sa panayam ng pahayagang ito, sinabi ni Belangel na wala na umano sa kanilang banda ang pag-aasam na manalo pa sapagka’t nagkaroon umano ng aberya sa kanilang stage performance. Ayon dito, nawala umano sa ritmo ang kanilang presentasyon nang hindi naikabit sa amplifier ang mga gitara at ang keyboard ng banda dahilan upang umiba ang timpla ng kanilang musika. Sa katunayan, nagpalit na umano ito ng damit at nagtanggal na nang sapatos dahil low-morale na ang grupo kasunod ng nasabing performance.

Inamin din ni Belangel na mahirap umano ang napagdaan ng kanyang komposisyon sa naturang kompetisyon sapagka’t halos lahat ng mga katunggali nito ay may kanya-kanyang obra na talaga namang ipinambato sa kompetisyon. Ang nasabing komposisyon ay inihahandog umano ni Belangel sa Maykapal at sa kanyang pamilya dahil nabiyayaan ito ng talento sa komposisyon at pagkanta.

Nasungkit ni Belangel ang kampeonato sa harap ng mga hurado sa pangunguna ni Fr. Nestor “Butch” Buena, local recording artist Nonong Icaranom, Provincial Tourism Officer Carmel Bonifacio-Garcia, music teacher Anatolly Arcilla, Capitol Chorale Grace S. Gabao, Caramoran Tourism Officer Al Jhon Perenia, Radyo Pilipinas broadcaster Juriz Dela Rosa-Alpapara.

Samantala, itinanghal na 1st runner ang ‘Tagok’ ni Raffy Tabilog at 2nd runner up ang ‘Simpleng Buhay’ ni Jay Vargas. Kasabay ng trophy at certificate tumanggap ng P15,000 cash prize si Belangel habang P10,000 sa 1st runner up at P5,000 naman sa 2nd runner up. Wala namang umuwign luhaan sapagkat tatanggap din ng tig-P2,000 na consolation prize ang hindi nanalo.

May special award naman ang ‘Madya Na’ ni Daryll Pulvinar bilang most liked entry sa Facebook at Texter’s Choice award naman si Raffy Tabilog. Kaugnay nito, maririnig na ang labing-dalawang (12) kanta sa araw-araw na programa ng 96.7 Radyo Perypodiko. Kaugnay nito, ang nasabing festival of music ay gaganapin na taon-taon bilang bahagi ng anibersaryo ng Bicol Peryodiko at Catanduanes Foundation Anniversary. (Rodrigo De Cuatro)

Advertisement