Virac, Catanduanes– Nabigong makumbinsi ng prosecution ang hukuman upang idiin ang isang lalaki paglabag sa Section 11 at 12 sa ilalim ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa desisyong inilabas ni Presiding Judge judge Lelu P. Contreras ng Regional Trial Court Branch 43 noong Oktubre 30, 2017, pinawalang-sala si Leo Flor, ‘gater’ ng sabungan at residente ng Viga, Catanduanes. Sa nasabing desisyon, lumalabas na hindi matibay ang i-prinesentang ebidensya ng prosecution laban kay Flor. Unang isinilbi ang search warrant sa tahanan ng suspek tatlong taon na ang nakakaraan kung saan nakuha rito ang isang plastic transparent sachet ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na nakalapag sa lupa sa isang maliit na kubo.
Depensa nito, bago umano ihain ang nasabing search warrant, merong pumasok sa likurang bahagi ng tahanan na kinilala na isang PO3 De Vera. Nang tanungin umano kung anong ginagawa sa tahanan nito ay walang maisagot at agad umalis. Kasunod nito ang pagdating ng mga unipormadong otoridad para isilbi ang search warrant.
Sa kabilang dako, hindi pinaniwalaan ang depensa ng suspek na frame-up sapagka’t sa mga kapareho umanong kaso ay ito ang palaging ginagamit na depensa na matagal nang hindi pinaniniwalaan ng Korte Suprema. Subalit nagbigay ng pagdududa sa hukuman ang kwestyunableng ebidensya na nakumpiska sa bahay ng suspek.
Sa desisyon ng korte, kung ang nasabing iligal na droga umano ay pag-aari ng suspek, possible umanong nadumihan ang item, pero lumalabas na malinis ang nasabing plastic transparent sachet at tila itinapon lang sa lupa. Pangalawang duda ng hukuman ay ang kuwestyunableng lokasyon kung saan natagpuan ang hinihinalang iligal na droga. Ayon sa korte, kung ang isa umanong durugista na gumagamit nito at alam nitong iligal ay itatago umano ito sa lugar na hindi pangkaraniwang makikita ng tao at hindi ito ikakalat kung saan mang lugar na alam nitong iligal.
Naging reasonable doubt rin sa korte ang lumalabas sa larawan na maliit na butas sa dingding sa tapat ng lokasyon kung saan natagpuan ang hinihinalang iligal na droga. Ayon sa hukuman, ito umano ang posibleng ginawang lagusan ng kamay upang itanim ang ebidensya laban kay Flor. Ayon sa korte, sa pag-establish umano ng matibay na ebidensya upang mapatunayan ang isang akusado na nagkasala sa ilalim ng paglabag sa R.A. 9165 nangangailangan ito ng clear and convincing evidence at ang pagsakdal umano sa akusado ay sa pamamagitan ng bigat ng ebidensya na ipinipresenta ng prosekyusyon at hindi sa mahinang depensa ng akusado.