Virac, Catanduanes- Pumalo na sa labing limang (15) kaso ng Human Immune Virus (HIV) ang naitala sa lalawigang ito kung saan siyam (9) sa mga ito ay nagmula sa bayan ng Virac.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko kay Virac Councilor Susan Isidoro, Chairman ng Committee on Women, Health and Sanitation at Public Information, ibinunyag nito ang naturang numero. Kaugnay nito, itinatag ng lokal na pamahalaan ng Virac, sa pamamagitan ng Municipal Health Office (MHO) ang Sundown Clinic sa layuning makatulong sa pagsugpo ng tumataas na bilang ng mga nagpu-positibo sa HIV.
Ayoon sa konsehal, nasa close monitoring umano ng Department of Health (DOH) ang mga biktima at nagbibigay lamang ng updates sa LGU tungkol sa kanilang mga kalagayan.
Kasunod nito, inilunsad ng LGU-Virac ang Sundown Clinic na nagbubukas tuwing ikalawa at huling Biyernes ng buwan sa oras na alas-tres ng hapon hanggang alas-onse ng gabi. Ang nasabing klinika ay mamamahala para sa HIV testing and screening at bukas ito para sa lahat partikular sa mga sexually active na mga indibidwal kabilang na ang mga kabataan.
Tiniyak ni Isidoro, wala umanong pangalan ng pasyente ang maitatala sa anumang record. Sila umano ay makikilala sa pamamagitan ng Code lamang. Ito ay upang maitaguyod ang confidentiality. At upang maganyak ang prospective clients ng Sundown Clinic, ayon kay Isidoro, maglilibot umano ang mga Medical Technologist ng Virac sa matataong lugar sa gabi.
Abstinence at Safe Sex ang payo ni Isidoro sa mga kinauukulan. Available umano sa health center ng Virac ang condoms para sa mas ligtas na pakikipagtalik. Pahayag pa ng konsehal, gagawin umano nilang mas accessible para sa lahat ang mga condom.
“And finally, hotels and lodging houses will be required to provide condoms to their guests,” pagtatapos ng konsehala. (RAMIL SOLIVERES)