Virac, Catanduanes – Umaabot sa P68,526,100 ang unang bugso ng alokasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Catanduanes para sa Emergency Shelter Assistance (ESA) at cash for work program.
Pinamunuan ni Assistant Regional Director Arwin Razo ang pamamahagi ng assiatance sa limang mga bayan ng Virac, Bato, San Miguel, Baras at San Andres na naapektuhan ng bagyong Rolly.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa isinagawang validation ng mga kinatawan ng kagawaran batay sa November 9 damage report ng mga munisipyo, kung saan sila ang itinuturing na mga totally damage households.
Ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng P10,000 Emergency Shelter Assistance at cash for work na P3,100 na may kabuuang P13,100 bawat household.
Ayon kay Razo, minabuti ng kagawaran na pera ang ibigay upang dito na mismo sa lalawigan magcirculate ang pera at makakatulong sa economic activity ng lalawigan. Ipapamahala naman sa mga LGU o mga barangay ang monitoring ng naturang ayuda.
Kinumpirma pa ng opisyal na sa darating na Enero, isusunod nilang ibibigay ang livelihood assistance.