Pansamantalang tinutugunan ng LGU Catanduanes ang pagkain ng mga pasahero matapos hindi payagang makatawid sa isla dahil denied ang S-pass ng mga ito.

Nanindigan ang IATF sa lalawigan ng Catanduanes na huwag munang payagang makapasok sa  lalawigan ang umabot sa walumput tatlong (83) mga pasahero na stranded ngayon sa Tabaco port. Ito’y matapos dumagsa ang naturang mga pasahero mula sa National Capital Region (NCR) bubble Plus na mahigpit na pinagbabawal na makapasok sa isla, batay sa Executive No. 14 na inilabas ng LGU dahil sa pagdami ng kaso ng covid-19.

Tanging mga APOR at essential travelers lamang mula sa naturang mga lugar ang pinapayagang makapasok sa lalawigan maging  ang mga travelers mula sa anim (6) lalawigan sa rehiyon subalit kailangang nakapagrehistro ang mga ito sa S-PaSS account at merong approved na Travel Coordination Permit (TCP).

Sa kasalukuyan,  pansamantalang pinapakain muna ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes ang mga stranded habang hinihintay pa ang magiging desisyon ng IATF Bicol.

Ayon sa Tabaco CDRRM Officer Gel Molato, nakausap niya mismo ang Punong Barangay ng Brgy. Cormidal na nakakasakop sa pantalan kung saan kinumpirmang mahigit sa isang daan (100) umano ang dumagsa kahapon, Mayo 19, subalit pinayagan rin ang ilan sa mga itong makapasok sa isla.

Ayon sa border control, denied ang S-pass ng mga natitirang pasahero  sa kabila ng merong negative anti-gen kung kaya’t hindi ito nakabyahe. Nagtataka naman ang ilang opisyal sa lalawigan kung bakit pinayagang makapagbiyahe ang mga pasahero patungo sa Bicol samantalang una nang naghigpit ang IATF Bicol sa border control sa Camarines norte.

Sa kasalukuyan, hihintayin umano ng LGU Catanduanes ang magiging desisyon ng IATF Bicol hinggil sa disposisyon sa mga pasahero.

Nitong Mayo 18, muling nagpalabas ng public advisory ang LGU Catanduanes hinggil sa naturang polisiya at hiningi nito ang ibayong kooperasyon ng publiko.

“Dahil sa heightened restrictions sa NCR+ (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal), mga APOR at Essential Travelers lamang ang aaprubahan ang TCP at papapasukin sa isla. Base ito sa guidelines mula sa IATF. Hinihingi ng Pamahalaang Lokal ng Catanduanes ang kooperasyon at tulong ng lahat sa pagsunod sa mga regulasyong ipinatutupad upang maiwasan ang patuloy na paglaganap ng COVID-19 sa ating isla”, bahagi ng advisory ng lokal na pamahalaan. (Bicol Peryodiko News team)

Advertisement