Virac, Catanduanes – Nasamsam ang mahigit tatlong daang libong (Php 300,00.00) halaga ng shabu sa buybust operation ng PNP sa Bayan ng Virac.
Mag-aalas nuwebe (9:00) ng umaga, ika- 24 ng Hunyo 2021, ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Virac MPS, Regional Police Drug Enforcement Unit Catanduanes at ng Catanduanes Provincial Intelligence Unit (PIU) ang isang operasyon sa Barangay San Isidro sa nasabing bayan.
Sa timbre ng poseur-buyer, hudyat na positibo ang kanilang naging transaksyon ay mabilis nakorner ng mga operatiba ang supek kung saan tumambad ang malalaking pakete illegal na droga.
Narecover ang pakete ng shabu na nagsilbing “subject of sale” ng transaksyon, habang kumpiskado ang dalawa pang pakete ng “shabu” na nakuha mula sa kontrol ng suspek.
Batay sa imbentaryo, umabot sa 44.751 ang kabuuang gramo ng illegal na droga na nagkakahalaga ng Php 304, 306. Ang imbentaryo ay ginawa sa mismong lugar ng operasyon na harap ng mga saksi mula sa hanay ng media at mga opisyales ng barangay.
Ang suspek na kinilala sa alyas na “Tiiw”, 40 anyos, may asawa, tricycle driver at residente ng Barangay San Isidro Village ay kabilang sa listahan ng Recalibrated Priority Database on Illegal Drugs at tinuturing din na High Value Individual.
Batay sa intelligence report, matagal nang minamanmanan ang suspek na naging aktibo nitong nakaraang taon at unang simestre ng taong kasalukuyan. Dagdag pa dito, ginagamit ng suspek ang pampasadang tricycle sa pahatid ng kontrabando sa mga parokyano sa napagkasunduang lugar.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Himpilan ng Pulisya ng Virac habang inihahanda ang kaso ng paglabag sa Section 5 (Selling) at Section 11 (Possession) ng RA 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 na ihahabla laban sa kanya.
Samantala, ayon naman sa pamunuan ng Virac MPS na pinangungunahan ni PMAJ ANTONIO I PEREZ, patuloy na tinututukan ng Pulisya ang pagsugpo ng illegal na droga sa probinsiya lalo na sa Bayan ng Virac. Nananawagan din ang kapulisan na maging aktibong kabahagi ng pulisya laban sa illegal na droga. l via CATPPO