Virac, Catanduanes – Hindi pinaburan ni Gobernador Joseph C. Cua ang rekomendasyon ng Catanduanes Medical Society (CMS) na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang lalawigan ng Catanduanes.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko, sinabi ng gobernador na maraming dapat ikunsidera kung ito ay ipapatupad.
Kasama rito ang kakulangan ng pondo ng mga local government units dahil kailangang merong ibibigay na ayuda ang mga residente na maapektuhan ng mga lockdown.
Kooperasyon umano ng mga local government units ang mas kailangan, lalo na ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocols hanggang sa mga barangay. Aniya, partikular na naoobserbahan ang pagiging relaks sa mga merkado, kung saan hindi namamantini ang social distancing at tamang pagsuot ng mask.
Sinuportahan naman ni Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes ang stand ng gobernador sa naturang usapin.
Ayon kay Palmes, pondo ang lubhang kailangan kung ipapatupad ang ECQ dahil sa ipapatupad na lockdown. Ang granular lockdown umano ay sapat na upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Matatandaang, inirekomenda ng CMS na isailalim sa dalawa (2) hanggang apat (4) na linggong ECQ sa Catanduanes kay Governor Joseph Cua dahil sa patuloy na paglobo ng kaso, kung saan nitong Hunyo 24 lumagpas na sa isang daan ang aktibong kaso, habang lampas na sa 500 ang kabuuang bilang ng kaso at nakapagrehistro na ng labing siyam (19) na namatay dahil sa covid19.
Ayon sa pangulo ng CMS na si Dr. Geraldine Balmadrid- Rojas ang pagtaas umano ng kaso ng Covid ay dahil locally transmitted na at household transmission na ang hawaan sa lalawigan.
Nasa 50 to 80 porsiyentong okupado na umano ang mga referral facilities at nakakabahala na rin sakaling walang mapaglagyan ang mga pasyenteng kailangan ang isolation facility.
Ayon kay Gobernador Cua, nasa negosasyon sila sa Zantua Memorial Hospital para gawing covid-19 patient facility subalit tila medyo may kamahalan umano ang renta nito.
Sa kabila nito, ikinagalak ng gobernador ang on-going purchases ng lokal na pamahalaan ng covid testing facility na ilalagay sa Tabaco City at sa lalawigan ng Catanduanes bilang testing facility.
Matatandaang, ang kakulangan ng test kit ang dahilan kung bakit masyadong mabagal ang resulta ng mga isinasailalim sa swab test kung kaya’t ito ang nakikita ng ilang alkalde na dahilan kung bakit lumulubo ang bilang.
Sa tanong hinggil sa 70 milyong pisong pondong ilalaan sana ng Department of Health para sa pagpapatayo ng testing center sa isla, sinabi ng gobernador na nakahanda na ang kanilang pasilidad subalit hindi pa dumarating ang pondo ng naturang kagawaran.