Bato, Catanduanes – Sa kabila ng malawakang pinsalang iniwan ng Super Typhoon Rolly at Ulysses noong Nobyembre 2020, naitawid na ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) ang halos pitong buwang restoration ng kuryente sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa report ng National Electrification Administration, Disaster Risk Reduction and Management Department (NEA-DRRMD) noong Hunyo 24, tuluyan nang naibalik ang kuryente sa 55,658 kabahayan at member-consumers ng kooperatiba.
Matatandaang, ilang araw matapos ang bagyo, inilahad ni General Manager Raul Zafe na aabutin ng anim hanggang isang taon ang restoration sa buong lalawigan sakaling walang augmentation mula sa ibang mga kooperatiba.
Pangunahing naapektuhan ng bagyo ang anim na bayan ng Virac, San Andres, Bato, San Miguel, Baras at Gigmoto kung saan halos pinadapa at binalibag ang 90 porsiyentong poste at kawad ng kuryente.
Sa intervention ng Malacañang via Department of Energy (DOE), NEA, iba pang ahensya at mga electric cooperatives sa bansa through the Power Restoration Rapid Deployment-Task Force Kapatid (PRRD-TFK) agarang naibalik ang kuryente sa capital town ng Virac at kalapit na lugar bago ang sumapit ang pasko noong isang taon.
Tumulong din and Bicol Electric Cooperatives (BEC) na ipagpatuloy ang restoration sa mga natitira pang mga bayan sa lalawigan ng Catanduanes matapos ang pagdiriwang ng bagong taon. Huling mga lugar na napailawan ay ang mga bayan ng Baras at Gigmoto dahil sa matinding pinsala sa mga kable at poste na dumaan sa mga kabundukan.
Kaugnay nito, malaki ang pasasalamat na ipinaabot ng pamunuan ng FICELCO sa kooperasyon ng iba’t ibang sector na siyang naging motibasyon ng kooperatiba upang kaagad maisakatuparan ang pagbabalik ng kuryente sa mga kabahayan sa buong lalawigan.