Virac, Catanduanes – Nilinaw ni Vice Mayor Arlynn Arcila na hindi na kailangan ang intervention ng Sangguniang Bayan ng Virac para sa adjustment ng renta ng mga vendors sa Virac Public Market.

            Ito ang naging reaksyon ng bise alkalde sa reklamo ng ilang nitizens maging vendors sa umanoy mataas na renta kung kaya’t halos hindi makapagbayad ang mga ito sa kanilang buwanang renta.

            Una rito, sinabi ni Mayor Posoy Sarmiento sa panayam ng pahayagang ito na hihingi siya ng otoridad sa SB para sa 20% na pagbaba sa ipinapatupad na renta dahil mahina pa umano ang kita ng mga vendors dahil na rin sa pandemya.

            Ayon naman kay Bise Alkalde, nasa kamay na Mayor Sarmiento ang bola para sa pagtatakda ng renta batay sa rekomendasyton ng finance board dahil nagbigay na sila ng temporary authority sa alkalde bago pa magbukas ang merkado nitong Abril dahil pinapandayan pa lamang nila ang market code.

            Sa naging proseso, dumaan umano sa konsultasyon ang pagtatakda ng renta kung saan kasama sa mga pagpupulong ang mga kinatawan ng vendors association, consumers representatives maging mga vendors  na pinamunuan ng local finance board.

            Una nang naghayag ng kanyang paglilinaw ang bise alkalde sa kanyang facebook account matapos lumabas ang mga ulat na tila sinisisi ang SB para sa mataas na presyo ng renta. Hindi umano dapat magkaroon ng paghugas kamay ang mga naging bahagi ng konsultasyon dahil alam nila kung papano nagkaroon ng ganitong presyo.

            Samantala, masayang ibinalita naman ng bise alkalde na natapos na nila ang market code na siyang magtatakda ng rental rates maging presyo ng mga isda at karne sa merkado. Sakali aniyang maaprubahan na ito ng Sangguniang Panlalawigan at mailathala ito na ang magiging bibliya ng mga transaction na ipapatupad sa merkado.

            Matatandaang, bago pa magkaroon ng pandemya naumpisahan ang public hearing sa presyo ng isda subalit dahil sa mga restriction nagkaroon ng konsultasyon sa presyo ng isda nitong taong 2021.

Advertisement