Virac, Catanduanes – Pinag-aaralan na ngayon ng provincial legal office ang court collection case laban sa labing isang (11) water districts sakaling patuloy pang dedmanin ang pagbayad ng kanilang Franchise tax.
Sa panayam ng Radyo Peryodiko 87.9BP-FM, sinabi ni Ginoong Senen Razal ng Provincial Treasurer’r Officce (PTO) na nasa ilalim ngayon sa warrant of distraint o naka-freeze ang bank accounts ng nasabing mga water districts sa isla matapos hindi mabayad ang tax simula pa nitong 2016.
Ang nasabing freeze, nangangahulugan na hindi pwedeng galawin ang pera ng mga ito sa kanilang mga bangko maliban na lamang sa mga national fund na ibinababa sa kanila ng national government.
Ayon kay Razal, halos 2013 pa naipatupad ang franchise tax sa isla, subalit nagkaroon ng kunsiderasyon ang lokal na pamahalaan kung kaya’t inumpisahan ang imposition taong 2016 para gumaan ang babayarin.
Matatandaang si General Manager Gabriel Tejerero ng Virac Water District (VIWAD) mismo ang nag-apela sa pagdinig ng committee on ways and means ng Sangguniang Panlalawigan noong isang taon para hingin ang moratorium dahil sa pandemic effect at iba pang kunsiderasyon. Aniya, sakaling magbayad sila sa naturang franchise tax, maipapatong lamang sa mga consumers ang bigat ng kanilang ibabayad subalit hindi ito pinaburan ng SP.
Nilinaw ni Razal na ang invocation ng VIWAD hinggil sa Butuan case na pabor sa water district ay iba sa usapin ng franchise tax. Ang nakapalaman umano sa tax ordinance na naging issue ay ang local tax imposition at hindi ang usapin ng franchise tax. Sa Metro Naga case, doon din umano makikita na pabor sa franchise tax imposition ang kaso taliwas sa kanilang ipinaglalaban na exemption ng mga water districts.
Ilan lamang sa mga hinihirit ng water districts ay ang moratorium sa pagbayad ng franchise tax dahil sa pandemic, alisin ang interest at kung pwedeng simulan ang pagkolekta ng tax ngayong 2023.
Ayon kay Razal, hindi umano babali ang PTO at lokal na pamahalaan sa kanilang hakbang, subalit bukas naman sila sa compromise agreement hinggil sa manner ng pagbayad ng buwis. (FB)