Photo credit: PLGU Catnes

Virac, Catanduanes – NAIBIGAY na ng Department of Agriculture (D.A.) Bicol ang P69.9 milyong halaga ng pondo para rehabilitation program ng abaca industry sa lalawigan ng Catanduanes na naapektuhan ng bagyong Rolly.

Tinanggap ito ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ni Gobernador Joseph C. Cua, na  sinaksihan ng mga opisyal ng iba’t ibang  ahensya ng pamahalaan. Kasama na rito sina Regional Director Rodel P. Tornilla, Field Operation Division Chief Mary Grace DP. Rodriguez, mga kinatawan nina Congressman Jose ‘Bong’ Teves Jr. at  Congressman Eulogio R. Rodriguez, Provincial Agriculturist Nelia B. Teves, DepEd Schools Division Superintendent Susan S. Collano, at CatSU VP-AFA Dr. Maria Edna R. Iñigo.

Nakiusap ang DA sa mga benepisyaryo na pahalagahan ang mga natatanggap na tulong mula sa D.A at pagyabungin ang sektor ng agrikultura para muling pasiglahin ang industriya.

Ayon kay Provincial Fiber Officer II Bert Lusuegro ng PhilFIDA Catanduanes, ang naturang pondo ay mapupunta sa 13,777 farmer beneficiaries mula sa mga bayan ng San Miguel, Bato, Baras, Virac at San Andres batay sa kanilang pre-listings na kinolekta na malubhang naapektuhan ng bagyong Rolly noong Nobyembre 2020.

Magkatuwang umanong ipapatupad ito ng PhilFIDA at ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes sa pamamagitan ng office of the Provincial Agriculture’s Office (OPAG).

Kasama sa magiging alokasyon nito ay ang Abaca Disease Management Program o eradication sa abaca diseased at ang replanting. Libre umanong ipapamahagi sa mga farmers ang bibilhing mga pestisidyo maging ang mga pananim, samantalang magiging counterpart lamang ng mga magsasaka ay ang labor.

Samantala, maliban sa turn-over ng financial assistance, namahagi rin ang D.A ng mga agricultural inputs o mga kagamitan sa pagtatanim ng mga vegetables at seedlings bilang bahagi ng proyektong “Gulayan sa Paaralan” ng Catanduanes State University. (Richmon Timuat/FB)

Advertisement