Virac, Catanduanes – Ibinahagi ni Catanduanes State University (CatSU) President, Dr. Patrick Alain T. Azanza, ang mabuting balita sa kanyang Facebook account na malapit nang magbukas ang Master of Arts in Nursing program sa Catanduanes.

Ayon kay Dr. Azanza, pumasa ang CatSU College of Nursing sa Technical Panel Evaluation na nagsimula noong Nobyembre 2022. Kapag nalagdaan na ang resolusyon, ipapasa ito sa CHED en Banc para maaprubahan.

“The university has been dreaming of offering this program for over 15 years, and now islanders will have the opportunity to pursue their graduate degree in Nursing without having to spend a lot of money to cross to the mainland,” pahayag ni Dr. Azanza.

Iniugnay ng SUC President III ng CatSU ang tagumpay ng pagkamit ng MA Nursing permit dahil sa “Teamwork”.

Pinuri niya ang CatSU team, na binubuo nina Executive Vice President (EVP) Dr. Lily P. Custodio, Vice President for Academic Affairs, Vice President Dr. Bernardino C. Abundo, Asst. Vice President for Academic Affairs, at Dean Joel T. Olfindo, para sa kanilang walang humpay na pagsisikap na maisakatuparan ito.

Ipinahayag ng pangulo ang kanyang pasasalamat kay CatSU Board of Regents Chairman at Commission on Higher Education Commissioner, Dr. Aldrin A. Darilag, CHED Regional Director, Atty. Septon Dela Cruz, at CHED RO V Education Specialist, Dr. Pamela S. Viñas, isang CatSU Nursing alumna, para sa kanilang buong suporta sa pagkuha ng MAN permit.

Inihayag din niya na nakakuha ang CatSU ng budget na nagkakahalagang 15 milyong piso para i-upgrade ang mga pasilidad ng Nursing Laboratory ng unibersidad.

Umaasa siyang maibabalik ang kaluwalhatian ng CatSU at makikilala bilang isa sa mga nangungunang nursing school sa bansa sa usapin ng passing rates at pagkakaroon ng mga nagtapos na nangunguna o nasa top 10 ng Nursing Board Examination.

Si Dr. Azanza ay optimistiko na sa malakas na suporta at kooperasyon ng lahat, ang mga layunin ng unibersidad ay makakamit.

Naniniwala si Dr. Azanza na sa pamumuno ni Dr. Gemma G. Acedo at Dr. Joseph G. Zafe, ang Bise Presidente, at ang Asst. Bise Presidente para sa Academic Affairs, ayon sa pagkakabanggit, ang mga permit para sa Batas at Medisina, na kasalukuyang isinasagawa, ay magbubunga din ng mga positibo at mgandang resulta. (Patrick Yutan)

Advertisement