Virac, Catanduanes – Mahigit tatlong daang (300) estudyante ng Catanduanes State University (CatSU) ang nakiisa sa paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong Pebrero 25, bilang pag-alala sa makasaysayang kilusan na nagbalik ng demokrasya sa Pilipinas.

Sa isang maikling programa sa harap ng CatSU Main Building, ipinakita ng mga mag-aaral ang kanilang pagkilala sa diwa ng EDSA sa pamamagitan ng panalangin at pagbabahagi ng kanilang mga saloobin bilang mga mamamayang Pilipino.

Hawak ang kanilang mga plakard, kanilang ipinaabot ang kahalagahan ng pagkakaisa, kalayaan, at patuloy na pagsusulong ng mga aral mula sa mapayapang rebolusyon. Bilang simbolo ng pakikiisa, ilan sa kanila ay nagsuot ng dilaw na ribbon—isang kilalang sagisag ng People Power—at nag-iwan ng kanilang mga pirma at mensahe sa isang board bilang tanda ng pangakong ipagpapatuloy ang diwa ng EDSA.

Ang EDSA People Power Revolution, na naganap noong Pebrero 22-25, 1986, ay isang mapayapang pag-aalsa na nagtipon ng milyun-milyong Pilipino sa EDSA upang ipanawagan ang pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos matapos ang maraming taon ng diktadura.

Sa pamamagitan ng mapayapang pagkilos at suporta mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang Simbahang Katoliko at militar, nagtagumpay ang rebolusyon sa pagpapatalsik kay Marcos at pagpapanumbalik ng demokrasya sa bansa, na nagluklok kay Corazon Aquino bilang bagong pangulo.

Ang paggunita ng CatSU sa EDSA People Power ay isang paalala ng lakas ng nagkakaisang tinig ng sambayanan sa pagsusulong ng kalayaan at hustisya, at isang hamon sa kasalukuyang henerasyon na ipagpatuloy ang diwa ng demokrasya at pagmamalasakit sa bayan. (Patrick Yutan | Bicol Peryodiko newspaper weekly)

Advertisement