Tagulipdan | Detective Public Agent (DPA) | Mas lalong umiinit ang political temperature sa Happy Island habang papalapit ang halalan sa Mayo 12, 2025! At sa dami ng mga labanang dapat abangan, isa sa pinaka-explosive ay ang sagupaan para sa gubernatorial post sa pagitan ni dating CatSU President Patrick Alain Azanza at ng kasalukuyang Vice Governor Peter Cua. Aba, parang boxing match ito—parehong bigatin, parehong may kredibilidad, parehong may tagahanga… at oo, parehong halos magkasingtaas! Hikhikhik!
Ayon sa mga political analysts, hindi basta-basta ang labanang Patrick vs. Peter. Parang pinag-isang “perfect formula”—ang isa mula sa academe, sanay sa diskurso at pagpaplano, habang ang isa’y galing sa corporate world, eksperto sa diskarte at networking. Kumbaga, ito na ang ultimate “battle of the brains and strategies”! Kaya’t siguradong magiging mainit ang usapin sa darating na Comelec debate—sino nga ba ang may mas matinding plano para sa lalawigan ng Catanduanes? Sino ang mas may kakayahang gawing progresibo ang ating isla?
Bagamat hindi pa opisyal na campaign period sa local level, ang dami nang ganap! Mula sa kabi-kabilang “pa-meeting,” “pa-kape,” at “pa-selfie,” hanggang sa maaanghang na banat sa social media, talagang ramdam na ramdam na ang bakbakan! At syempre, hindi rin pahuhuli ang mga intrigang sumasabay sa alon ng eleksyon—may mga kumukwestyon sa eligibility, may mga tila nagpipilit ng impeachment, at may mga nangangarap ng “one big knockout move” laban sa kanilang kalaban!
Pero sa kabila ng matinding sagupaan, ang malaking tanong: ito ba ay laban para sa bayan o laban para sa kapangyarihan? Ang mga kandidatong ito ba ay tunay na may hangaring itaguyod ang Catanduanes, o bahagi lang sila ng patuloy na pulitikang napapailalim sa kapritso ng mga malalakas na pwersa? Abangan natin ang kanilang magiging kampanya-serye—baka ito na ang pinakamainit na political teleserye sa kasaysayan ng lalawigan!
Sa ngayon, ang bola ay nasa kamay ng mga botante. Tayo ang magpapasya kung sino ang nararapat—si Patrick ba na may akademikong husay at bisyon para sa edukasyon at ekonomiya? O si Peter na may pangmatagalang karanasan sa pamamahala at ugnayan sa negosyo? Ang labang ito ay hindi lang para sa kanila, kundi para sa atin ding mga Catandunganon. Kaya’t makinig, magmasid, at higit sa lahat—maging matalino sa pagpili. Hikhikhik! (Tagulipdan | Bicol Peryodiko )