VIRAC, Catanduanes — Nagsampa ng apat na kasong administratibo ang Catanduanes Police Provincial Office (CatPPO) laban sa incumbent punong barangay ng Barangay Obi, Caramoran, kaugnay ng umano’y pagpapabaya nito sa patuloy na ilegal na operasyon ng pagmimina sa lugar.

Inihain ng Caramoran Municipal Police Station sa pangunguna ni Chief of Police Joseph Mar Reburiano ang mga reklamo sa Sangguniang Bayan ng Caramoran noong Oktubre 20, 2026, na kinabibilangan ng Gross Neglect of Duty, Dereliction of Duty, Misconduct in Office, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko kay Chief if Police Reburiano, sinabi nitong nakabatay ang mga reklamo sa umano’y kapabayaan at kawalan ng sapat na aksiyon ng opisyal sa kabila ng kaalaman nito sa mga ilegal na aktibidad ng pagmimina sa barangay.

Sa reklamong inihain, binanggit ng CatPPO ang mga pahayag ng mga saksi na umano’y nagpapatunay na alam ng opisyal ang mga operasyon.

May kaugnayan din umano ito sa isang dating alitan sa lupa na ginagamit na lugar ng pagmimina at direktang naaabot sa pamamagitan ng Barangay Obi.

Lalong nabigyang-diin ang panganib ng ilegal na pagmimina matapos gumuho ang isang maliitang lugar ng pagmimina sa Barangay Obi noong Hulyo 27, 2026, na ikinamatay ng isang lokal na minero at ikinasugat ng dalawa pa.

Ayon sa opisyal, sa kabila ng insidente, nabigo umano ang respondent na magsagawa ng mga epektibong hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.

Kabilang sa mga binanggit na pagkukulang ang hindi pagbibigay ng babala, hindi pagsusumite ng mga opisyal na ulat, at hindi paghingi ng tulong sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang ilegal na pagkuha ng mineral at mga panganib nito sa kapaligiran.

Kasunod ng insidente, itinatag ng CatPPO sa ilalim ng pamumuno ni Provincial Director PCOL Virgilio R. Buena, katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Task Force Obi upang mapanatili ang presensiya ng mga awtoridad at masugpo ang ilegal na pagmimina sa lugar.

Nagsagawa rin ang mga awtoridad ng mga operasyon laban sa isang aktibong lugar ng ilegal na pagmimina dahil sa panganib na idinudulot nito sa mga kalapit na komunidad.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng pitong minero sa barangay Cabungahan sa bayan ng San Andres. Sinabi ng CatPPO na maaari ring simulan ang mga kasong sibil, kriminal at administratibo laban sa mga direktang sangkot sa pagpapatakbo ng ilegal na lugar ng pagmimina.

Muling iginiit ni PCOL Buena ang determinasyon ng CatPPO na labanan ang ilegal na pagmimina at pangalagaan ang kapaligiran ng Catanduanes.

Nanawagan din ang provincial director sa mga residente at lokal na opisyal na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kapayapaan, kaligtasan at pagsunod sa batas sa lalawigan.

Matatandaang sa naging Panayam ng Radyo Peryodiko kamakailan, mismong si Punong Barangay Leoncio Zuniega ang nag-akusa ng may kapabayaan ang pulisya sa mining activity.

Aniya, ilang beses umano siyang pumunta sa Caramoran Pnp para isumbong ang nangyayaring gold mining ng ilang residente, subalit wala umanong naging tugon ang PNP Caramoran sa halos tatlong Chief of police na umupo.

Nangyari umano ang pagresponde noong merong ng namatay sa mining site.

Sa ngayon, ang mga reklamong administratibo laban sa punong barangay ay mga paratang na kailangan pang dumaan sa kaukulang proseso. Inaasahang ipapatawag ang kapitan sa SB Caramoran sa mga susunod na araw.

Ang paghahain ng mga reklamo ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang pananagutan ng respondent. l Francis Benedict l Bicolperyodiko Integrated news

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.