CARAMORAN, CATANDUANES — Mahigpit na tumututol ang iba’t ibang sector sa nakaambang coal mining activity sa barangay Obi, Caramoran, Catanduanes.

Nitong Oktubre 13, nagkaroon ng dayalogo ang lokal na pamahalaan ng Caramoran, Simbahang Katoliko, at mga residente kung saan tinalakay ang planong pagmimina ng karbon sa Barangay Obi, kasunod ng pagkakaloob ng Department of Energy (DOE) ng Small-Scale Coal Mining Permit sa permittee na si Edelbert Z. Almario.

Batay sa dokumentong nakalap ng Bicol Peryodiko, ang Permit No. 2026-001 ay nilagdaan ni OIC-Director Bemujin F. Antiporda ng Energy Resource Development Bureau at may bisa sa loob ng dalawang taon simula Setyembre 24, 2026. Pinahihintulutan nito ang pagmimina ng hanggang 9,000 metriko tonelada ng karbon kada taon, alinsunod sa mga kondisyong itinakda ng DOE.

Sa kabila ng pagkakaloob ng permit, hiniling ni Mayor Glenda Aguilar na pansamantalang ihinto ang mga paunang gawain sa lugar hangga’t hindi naipapakita sa lokal na pamahalaan ang kumpletong mga dokumento at kinakailangang pahintulot para sa proyekto.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko kay Vice Mayor Ferdinand Tioxon Jr., ibinahagi nito ang resulta ng orientation meeting noong Oktubre 13 na pinangunahan ni Aguilar sa inisyatibo ng Caritas Virac Justice and Peace. Dumalo rito ang mga kinatawan ng Diocese, mga pari, pastoral council members mula sa pitong barangay sa Hitoma area, at mga residente.

Ayon kay Tioxon, nangako si Punong Barangay Leoncio Zuniega na susundin ang kahilingan ng alkalde at pansamantalang ihihinto ang mga gawain sa lugar habang hinihintay ang pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.

Kabilang sa nangunguna sa pagtutol ang Simbahang Katoliko sa pamamagitan ng Caritas Virac Justice and Peace at mga lokal na parokya, kasama ang mga residenteng nangangamba sa posibleng epekto ng proyekto sa kapaligiran at pamayanan.

Nakatakda ring magpadala ng opisyal na liham ang alkalde kay Almario upang hingin ang pagpapakita ng lahat ng legal na dokumento at permit na may kaugnayan sa operasyon.

Samantala, hinihintay ng LGU Caramoran ang resulta ng beripikasyong isinasagawa ni Gobernador Patrick Azanza sa DOE at Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil sa katayuan ng aplikasyon at mga dokumentong inilabas para sa proyekto.

Kabilang sa mga kondisyon ang pagkakaroon ng full-time na lisensiyadong mining engineer sa lugar kung walang itinalagang supervising coal operator, gayundin ang mga safety engineer at safety inspector na rehistrado at may kaukulang akreditasyon mula sa DOE bago magsimula sa kanilang tungkulin.

Obligado rin ang operator na sumunod sa mga umiiral na regulasyon sa pagmimina, paggawa, kalusugan, kaligtasan, at pangangalaga sa kapaligiran. Kailangan din nitong magbayad ng 3% government share batay sa kabuuang benta ng karbon, alinsunod sa itinakdang iskedyul ng pagbabayad.

Nakapaloob din sa permit ang preemption clause, na nag-aatas sa maliitang operator na ihinto at isara ang operasyon sa loob ng 45 araw matapos makatanggap ng opisyal na abiso kung mapagpasiyahang mas angkop at kapaki-pakinabang ang lugar para sa malakihang pagmimina. Maaari namang kanselahin ang permit kapag nilabag ang mga kondisyon nito nang walang sapat at makatuwirang dahilan. | Ulat ni Francis Benedict

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.