VIRAC, CATANDUANES – Nasungkit ni Vice Governor Shirley A. Abundo ang isang pagkilala mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa 2016 Awarding Ceremony na idinaos sa lungsod ng Naga noong nakaraang linggo.
Ang nasabing pagkilala ay nakapaloob sa isang Appreciation Lunch na pinangasiwaan ng BSP bilang bahagi ng kanilang pasasalamat sa lahat ng institusyon o mga indibidwal na nagpamalas ng ibayong pagsuporta sa mga adbokasiya at programa ng BSP.
Sa kanyang termino bilang konsehal ng Virac, inilunsad ni Abundo ang isang ordinansa para sa re-circulation ng mga BSP coins, partikular ang mga centavos. Una ay ang pagbabawal sa mga establisimiyento na magsukli ng kendi, at ang ikalawa ay ang pagbubukas ng bank accounts para sa mga bata na makakapagbigay ng 300 pesos na halaga ng 25 cents na dinadagdagan ni Abundo ng limandaang piso bilang paunang deposito sa pangalan ng mga bata. Sa paraang ito, muling nabuhay ang halaga ng mga barya.
Ayon sa BSP, “She (Abundo) has extended exemplary support to the BSP’s statistical undertakings, information needs and advocacy programs as well as to the effective delivery of our functions.”
Maliban dito, awardee rin ang Diocese of Legazpi ng kahalintulad na pagkilala. Taon 2014 nang pamunuan ni Abundo ang pangongolekta ng mga barya sa pamamagitan ng mga kabataan mula elementary sa iba’t-ibang panig ng lalawigan. Bago nagtapos ang kanyang termino bilang konsehal, umabot sa halos limampung elementary graders ang nagkaroon ng kanya-kanyang bank account .
Ayon sa bise gobernador, “Nagpapatuloy ang proyekto. May mga batang nagdadala pa rin sa akin ng kanilang mga barya hanggang ngayon, at katulad ng kasunduan, ipinagbubukas ko sila ng kanilang bangko.”
Maliban sa opisyal na layunin ng proyekto para sa re-circularion ng barya, kalakip din ng programang ito ni Abundo ang hikayatin ang mga kabataan na matutong mag-impok, magtipid at pahalagahan ang bawag sentimo. (RAMIL SOLIVERES)