Virac, Catanduanes – Dumadaing ang mga bilanggo  o Person with Deprive of Liberty (PDL) na mabigyan sila ng Special Time Allowance for Loyalty (STAL) dahil sa super typhoon Rolly.

                Sa liham na pinirmahan ng umaabot sa labing walong (18) bilanggo, inihayag ng mga ito na tinamaan ng pinakamalakas na bagyo ang lalawigan subalit hindi man lang umano sila inilipat sa ligtas na lugar. Bago ang kanilang ginawang sulat, inilapit na umano nila ang bagay na ito sa Jail Warden, subalit hindi umano sila pinagbigyan.

                “Ito po ay amin nang inilapit sa aming Jail Warden na si Jail Inspector Camilo Batuhan ngunit ayaw niya po kaming bigyan ng STAL sa kadahilanang hindi naman daw nagiba ang pasilidad ng Virac District Jail dahil maliit lang ito at naka-slab o semento ang bubong at napapaligiran ng pader na bakod kaya kung sakali man po na magiba ito ay siguradong patay kaming lahat ng mga PDL dito sa jail bago kami mabigyan ng STAL”, paglalahad ng mga bilanggo.

                Dahil dito, ibinigay na lamang umano ng duty na empleyado ang susi sa kanila upang maligtas ang kanilang sarili sakaling tumaas pa ang tubig.

                Nasa sa kanila rin umano ang lahat na pagkakataon upang tumakas, subalit hindi nila ginawa.

                “Bukas na ang lahat ng selda, bukas na rin ang lahat ng gate at puede na kaming tumakas. Outnumbered din namin ang humigit kumulang na 5 BJMP personnel na naka-duty sa 84 na PDL, kung gusto naming tumakas lahat. Pero hindi namin ginawa at lakas-loob naming hinarap ang super typhoon Rolly”, pahayag pa ng mga bilanggo.

                 “Alam niyo po, 90% ng mga PDL dito sa jail ay mga sentensiyado na at karamihan dito ay mga double life, reclusion perpetua pero hindi kami tumakas kahit nasa amin na lahat ang pagkakataon para gawin ito”, paglalahad ng mga bilanggo.

                Ikunuwento rin ng mga ito na huling nagkaroon ng STAL ang mga PDL noong bagyong “Nina” taong 2016 matapos masira ang mga bintana at pinto ng lugar kung saan inevacuate ang mga PDL. Mas malakas anila ang Rolly kumpara kay Nina na hindi sila inevacuate sa kabila ng kinatatayuan ng Virac District Jail na nasa tapat lamang ng boulevard at nakaharap sa dagat,  ilang metro lang ang distansya.

                Sa nakalipas na mga warden inevacuate umano sila kahit hindi ganoon kalakas ang bagyo para sa kaligtasan ng mga PDL dahil din sa banta ng storm surge. subalit nitong super typhoon Rolly, parang isinugal lahat umano ng warden  ang kanilang mga buhay at pinabayaan sila sa jail, kung saan,  walang typhoon guard o kahit tinakpan man lang ng yero ang kanilang mga dorm para sa kanilang kaligtasan. Isa umanong kapabayaan ang ginawa ng kanilang warden, subalit tanging hiling lamang umano nila ay STAL.

                Umaabot sa  84 PDL ang hirit ng grupo na magkaroon  ng STL dahil sa nangyari at naaayon naman umano ito sa  batas. Kahit umano sila mga PDL, sana ay ma-exercise din nila ang kanilang mga constitutional rights at hindi naman umano kalabisan.

                Samantala, sagot naman ni Jail Warden Batuhan, suspendido pa ngayon ang STAL na hinihiling ng mga PDLs matapos maging kontrobersyal ito sa kaso ni dating Calauan Mayor Sanchez. Pinabulaanan nitong pinabayaan nila ang mga bilanggo dahil nandoon mismo siya at ang sampung mga jail guards nang rumaragasa ang bagyong Rolly.

Advertisement