Virac, Catanduanes – Nahulog sa kamay ng otoridad ang isang lalaki matapos itong maaktuhang iligal na nagta-transport ng kahoy sa Brgy. San Pedro, Virac mula sa bayan ng San Miguel papunta sa bayang ito bandang 11:30 ng gabi noong ika-23 ng Oktubre, 2017.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o ang Forestry Reform Code of the Philippines si Roselito C. Bernal, 36 anyos at residente ng Distirict lll, San Miguel, Catanduanes. Nasamsam ng mga otoridad ang tatlumpong (30) piraso ng narra na may sukat na isang daan at anim (106) na board feet na may market value na aabot sa sampung libo at anim na raang (P10,600) piso.

Ang operasyon ng pulisya ay pinangunahan nila PO3 Nestor Venus at Ronir Trinidad. Ayon sa otoridad, ikinarga ni Bernal ang nasabing mga kahoy sa kanyang asul na tricycle Kawasaki motorbike na may plate no. na 0501-0146718. Samantala, nasa pangangalaga nan g pulisya ang suspek habang inaasikaso na ang pagsasampa ng kaso laban dito. Nakatakda naman iturn-over ang mga kahoy at ang tricycle sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). (J. Panti/Jeffrey Guerrero)

Advertisement