VIRAC, CATANDUANES – Sa pamamagitan ng isang resolusyon, ibinasura ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) na panghimasukan ang pagkakapaso ng Lease Agreement sa pagitan ng National Power Corporation (NPC) at Catanduanes Power Generation, Inc. (CPGI).

Matatandaang noong Oktubre 20, 2017 nang magpadala ng liham si FICELCO OIC GM Jonathan Valles sa tanggapan ng Bise Gobernador Shirley A. Abundo upang ipagbigay alam ang pag-expire ng kontrata ng CPGI para sa operation and maintenance ng 1×3.6MW Daihatsu genset, kalakip nito ang paninindigan ng NPC Board of Directors na tutulan ang muling pag-renew ng nasabing kontrata. Ayon kay Valles, sa kabila umano ng kanilang pagsisikap para sa reconsideration, umaasa umano ang NPC na naabisuhan na ng kooperatiba ang CPGI para sa nasabing non-renewal. Bilang pagsunod sa desisyon ng NPC, sinabi ni Valles sa sulat na hindi na nagdi-dispatch ng kuryente ang kooperatiba mula sa CPGI.

Kasunod nito, masidhi ang kahilingan ng FICELCO sa sanggunian na mamagitan, sa paraang maaari umanong hilingin ng SP kay NPC President Pio Benavidez na pigilan pansamantala ang implementasyon ng non-extension habang hinihintay ang resolusyon ng NPC BOD upang sagutin ang board resolution ng FICELCO na isinumite noong October 10, 2017.

Sa pagbabasura ng Sangguniang Panlalawigan sa kahilingan ng FICELCO, sinabi nitong wala umano itong kapangyarihang kontrolin alinman sa FICELCO, NPC o maging CPGI. At batay umano sa mga salaysay ni NPC Catanduanes Plant Manager Engr. Edwin Tatel sa committee meeting, hindi na umano matitinag ang desisyon ng NPC kaya nagkasundo ang mga kasapi ng Sanggunian na ipasa ang isang resolusyon.

Kasunod nito, isinumite na ng SP ang resolusyon na may pamagat na, “Declining the Request of FICELCO to Intervene on the Non-extension of the Lease Agreement By and Between NPC and CPGI.”

Samantala, batay sa pinakahuling impormasyon, tuluyan na umanong ibinasura ng NPC Board ang anila’y ‘onerous/anomalous’ na kontrata ng CPGI para sa ekstensiyon. (Ramil Soliveres)

Advertisement