Bato, Catanduanes – Inihayag ng pamunuan ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) na wala silang scheduled load shedding simula Disyembre 22, 2017 hanggang Enero 2, 2018.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko kay OIC General Manager Jonathan Valles, ang kanilang hakbang umano ay bilang pakikiisa sa mga consumers sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon.

Ang load shedding ay isang paraan upang magkaroon ng proper distribution sa pamamagitan ng paglaan ng oras para sa scheduled power interruption sa isang linya upang maging magaan ang distribution sa ibang feeders.

Ayon sa opisyal, sakaling merong pagkawala ng kuryente simula sa naturang petsa, ito ay posibleng trippings umano na posibleng dahil sa probelema sa kawad ng kuryente o anumang problema sa linya nito. Sakali umanong merong ganitong sitwasyon ay dapat ipagbigay alam sa kanilang mga linemen o sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng kaukulang aksyon.

Dahil sa pagdiriwang na ito, meron umano silang task force na binuo na siyang aagapay sa anumang mga emergency shutdown bilang contingency measures. Alertado umano ang kanilang task force 24 oras na reresponde sa anumang pagkawala ng kuryente sa ilang lugar sa lalawigan.

Samantala, sa tanong kung anong remedyong isinasagawa ng pamunuan hinggil sa brownout, sinabi ni Valles na noong Dieyembre 21 nagsagawa sila ng pulong sa pagitan ng mga power providers mula sa Sunwest, NPC para magkaroon ng epektibong koordinasyon sa proper dispatching ng kuryente.

Aniya, magiging regular umano ang kanilang monthly meeting kasama na ang dispatchers, engineering at mga kinatawan ng power producers para sa evaluation ng mga kinakaharap na problema at epektibong solusyon para rito.

Dinagdag pa ni Valles sufficient ang supply ng kuryente mula sa mga power providers lalo na sa mga hydros ng Balongbong at SUWECO dahil rainy season ngayon. Meron ding mga reserve generators ang mga providers kung kayat sapat ang kuryente at walang problema sa backup ng mga ito batay sa demand o requirements ng numero ng consumers. Patuloy umano nilang ginagawan ng kaukulang aksyon ang mga reklamo hinggil sa brownout upang maging stable ang supply nito sa buong lalawigan.

Sa isyu hinggil sa pagkwestyon ng SP sa kanilang rating noong 2016 bilang ‘double A’, sinabi ng opisyal na NEA mismo ang nagbigay ng grado sa kanilang perfomance at ito umano ay may kaukulang pinagbatayan.

Advertisement