Viga, Catanduanes – Tinambangan at tinaga ang isang pulis ng isang abaca stripper (parahagot) sa bayan ng Viga noong Diyembre 7.

Ayon kay Viga Municipal Police Station Chief of Police Dexter Panganiban, dakong alas 5:25 ng hapon, Disyembre 7 nang makatanggap sila ng tawag mula kay PO3 Marlon Matienzo sa hotline ng Viga Municipal Police Station (MPS) na humihingi ng tulong mula sa kanyang mga kasamahan dahil tinaga umano siya.

Kaugnay nito, kaagad namang rumesponde ang mga pulis at dinala si Matienzo sa himpilan. Sa salaysay ng biktima, sakay umano siya ng kanyang motor at binabaybay ang daan sa barangay Del Pilar papunta sa kanyang assignment sa Bagamanoc MPS nang bigla umano siyang harangin ng suspek na may bitbit na itak. Dahil sa pagkagulat ay natumba umano siya at ang sinasakyang motorsiklo at inundayan siya ng sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nagpagulong-gulong umano si Matienzo sa kabila ng pag-iwas ngunit tinamaan din ito sa likod hanggang sa may braso. Dahil sa ayaw paawat ang suspek, binunot umano niya ang kanyang baril at pinaputukan ito ngunit hindi naman tinamaan at kaagad tumakas papunta sa bundok. Dinala sa pagamutan si Matienzo at habang ginagawa ang balitang ito, kasalukuyang nagpapagaling ang biktima. Ang suspek ay kinilalang si Leonardo l. Olino, 44 anyos, isang abaca stripper at residente ng nasabing barangay.

Ikinasa kaagad ng PNP ang paghahanap sa suspek hanggang sa makatanggap sila ng tawag mula sa isang residente kung kayat natunton ang suspek. Naaresto ito sa bahay ng ina sa parehong barangay na pinangyarihan ng insidente.

Ayon kay COP Panganiban, kuwento umano ng magulang at mga kapitbahay na may sakit sa pagiisip ang suspek. Boluntaryo namang isinuko ng suspek ang ginamit nitong itak. Pansamantalang nakapiit ito sa Viga Municipal Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso. (JINKY TABOR)

Advertisement