Legazpi City – Kinumpirma ni Regional Director Benjamin “Benjie” Santiago ng Department of Tourism (DOT) na sa lalawigan ng Catanduanes isasagawa ang Festival Showdown ng mga festivals sa buong Bicol Region.

Sa ginawang Regional Media Conference noong Disyembre 12 sa Ninong’s Hotel sa lungsod ng Legazpi, sinabi nitong malaking oportunidad ito para sa lalawigan ng Catanduanes na mas lalo pang makilala dahil dadagsa ang mga kinatawan sa anim na probinsya at pitong lungsod sa rehiyon sa naturang aktibidad.

Ang festival of festivals ay inilunsad sa panahon ni dating Regional Director Maria Ravanilla na may layuning mai-showcase ng bawat lalawigan at lungsod ang kanilang festival sa pamamagitan ng kompetisyon.

Sa darating na Abril 2018 isasagawa ang naturang aktibidad na lalahukan ng umaabot sa isanglibong streetdancers, coaches at chaperons. Ani RD Santiago, inaasahan niyang mas magiging kapana-panabik ang naturang kompetisyon bilang bahagi ng bicolano promotions, kung saan magpapasiklaban hindi lamang sa choreography kundi maging sa mga kasuotan.

Humigit kumulang kalahating milyon piso ang nakalaang premyo sa naturang festival of festivals kasali na ang mga special awards. Ayon sa opisyal malaki ang maitutulong nito sa tourism promotion at economic impact sa Catanduanes na isa sa mga lalawigang nakikilala ngayon dahil sa eco-tourism kagaya ng highlands at ang surfing area sa Puraran, Baras.

Maliban sa festival of festivals, nais ring ipagpatuloy ng bagong pamunuan ng DOT ang nasimulang international surfing Competition sa Puraran Beach na tinaguriang majestic wave. Ang surfing competition ay unang pinasimulan ni dating gobernador Leandro Jun Verceles at dating alkalde Bong Teves na ginaganap tuwing Oktubre, subalit ilang taon na itong hindi nagging aktibo dahil sa kakulangan ng pondo.

Advertisement