VIRAC, CATANDUANES – Mahigit pitong-libong (7,000) board feet ng iba’t-ibang sukat ng hot lumbers ang nasamsam ng otoridad kasunod sa implementasyon ng apat na Search Warrant sa barangay ng Buyo noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko, kay PNP Provincial Director Senior Superintendent Felix Servita, bunga umano ng isang validated information ang sumbong na nakarating sa kapulisan kaya’t nakapagpalabas sila ng apat na Search Warrant dahil sa paglabag sa Chainsaw Act at Forestry Act.

Ang unang Search Warrant ay nakapangalan kay Richard Base kung saan sa paghahalughog ng pulisya ay nakumpiska ang isang yunit ng chainsaw na pinaghihinalaang ginagamit sa iligal na pagpuputol ng kahoy.

Kaugnay nito, arestado ang nasabing lalaki at ipinagharap ng kaukulang demanda sa pamamagitan ng isang inquest case proceedings.

Ang ikalawang Search Warrant ay sa pangalan naman ni Nelson Manoguid, Sr. kung saan nasamsam sa poder nito ang umaabot sa 158 piraso na umaabot sa hindi bababa sa dalawang-libong(2,000) board feet. Sa likurang bahagi ng bahay ni Manoguid, isang piraso ng troso na umaabot sa 194 board feet pa ang nadiskubre ng pulisya. Sa datos ng DENR, kabuuang 3,034.59 board feet. Sa kabila ng wala sa kanyang tahanan si Manoguid ngunit ayon kay Servita, magsasampa rin sila ng kaso laban dito sa pamamagitan ng regular filing.

Ang ikatlong Search Warrant ay nakapangalan kay Santos Tria, 62 anyos at isang biyudo. Mula sa suspek, nakumpiska ng otoridad ang 75 piraso ng mga truso na umaabot sa 1,649 board feet. Sa pagsalakay ng pulisya, inabutan din ang tatlo pang lalaki na sina Ronel Tria, Christian Abundo at Jose Melgar sa aktong naglalagari ng mga iligal na kahoy. Silang lahat ay inaresto na nasampahan ng mga kaukulang kaso.

Ang ikaapat na Search Warrant ay nakapangalan kay Domingo Benavidez na hindi rin inabutan ng mga pulis sa kanyang tahanan. Gayunman, marami ring tambak ng iligal na kahoy ang natuklasan mula sa kanyang tahanan. Ayon sa DENR, umabot sa 255 na piraso ng mga tabla at troso ang nakuha nila mula sa nasabing suspek o kaya ay kabuuang 2,904.69.

Sa kabuuan 7,589.26 board feet ang kumpiskasyon ng iligal na kahoy mula sa nasabing operasyon at batay sa 65 pesos per board feet na street value ay umaabot ang halaga nito sa halos kalahating milyong piso.

Samantala, sa isinagawang Provincial Anti-Illegal Logging Task Force and Provincial Law Enforcement Coordinating Committee meeting noong December 12, 2017 sa Provincial Police Office, inilatag ng PNP-Catanduanes ang accomplishment report on illegal logging mula Enero hanggang December 11, 2017. Sa ulat, umabot sa 62 illegal logging operations ang naisagawa, 77 katao ang naaresto at halos 19 Thousand board feet ng hot lumbers ang nakumpiska sa buong lalawigan na may katumbas ng halos isang milyong pisong halaga. Maliban dito, nakasamsam din ang otoridad ng 11 chainsaws at nakapagsampa sila ng 28 na kaso sa korte.

Sa kabilang dako, ibinida naman sa nasabing meeting ng DENR-PENRO ang kanilang January-November 2017 accomplishment report kung saan nakasamsam din sila ng 1,595 piraso ng iligal na mga kahoy mula sa iba’t-ibang munisipalidad. Ito ay may kabuuang volume na 22,725.98 board feet at nakakumpiska rin sila ng 27 units ng conveyances, tools at iba pang kagamitan sa iligal na pagtu-troso. Sa DENR-PENRO, 19 cases ang naisampa nila sa korte.

Advertisement