file design (cdhi)

Virac, Catanduanes- Tuloy-tuloy na ang serbisyo ng Catanduanes Doctors Hospital Incorporated (CDHI) sa lalawigan ng Catanduanes.

Ito’y kasunod ng pagkakaroon na nito ng mga mahahalagang kagamitan at mga permiso sa ilang ahensya ng pamahalaan kagaya ng Department of Health (DOH).

Sa isinagawang press conference ni President/Chief Executive Officer Raymond M. Taopa, masaya nitong ibinalita na bukas na sila sa mga pasyante sa lalawigan ng Catanduanes.

Nagsimula na rin umano silang tumanggap ng mga pasyente na mayroong PhilHealth Card simula pa noong Pebrero 13 matapos maisumite na sa PhilHealth ang mga kailangang dokumento sa aplikasyon bilang Secondary Level Hospital sa lalawigan.

Ang CDHI ay maaari rin umanong palawigin ang pagtanggap ng pasyente para sa mga non-PhilHealth members kung ito ay pwede sa medical assistance na ipinagkakaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sinabi pa ni Taopa na lahat umanong pasyente na enrolled sa PhilHealth ay may garantiya sa “No balance billing” policy sa kanilang pamamalagi sa ospital basta papasok ito sa PhilHealth ward.

Bukod pa rito, libre rin ang ospitalisasyon ng mga non-members kapag ito ay kumuha ng financial assistance na aprubado ng tanggapan ng PCSO dahil nagkaroon umano ng arrangement sa pagitan ng nasabing ospital at PCSO upang palawigin pa ang medical at hospital assistance para sa mga nangangailangan.

Tinuran pa nito na ibibigay umano ng kanilang ospital ang lahat ng pangangailangan ng mga pasyente simula sa serbisyong medikal at mga gamot na available sa kanilang sariling parmasya. Sakali umanong walang available na gamot sa loob ng parmasya, ang hospital staff na umano ang lalabas at bibili nito para sa pasyente.

Tiniyak din ni Taopa ang mabilis at dekalidad na serbisyo sa mga pasyente sa pamamagitan ng kanilang highly trained service health care personnel, lahat ng matataas na kalidad ng world-known brand ng latest state-of-the-art medical equipment at mga gadgets na binili pa mula sa Estados Unidos at Europa.

Ito ay upang matiyak na ang kanilang mga kliyente at makakatanggap ng maaasahan, wasto,at de kalidad na mga laboratory results.

Ipinagmalaki rin ng opisyal ang kanilang brand new 16-slice CT Scan na kapareho umanong unit ito an ginagamit sa Makati Medical Hospital. Sinabi pa nito na ang CDHI umano ang bukod-tanging ospital na may brand new Mammography equipment na ginagamit ng mga pasyenteng hinihinalaang may sakit katulad ng breast cancer at iba pa.

Mayroon din umano ang nasabing ospital ng mga medical equipment katulad ng 2D Echo Machine, Whole Body X-Ray at Movable X-Ray Machines, Stress Analyzer, paunang sampung (10) unit ng brand new Hemodialysis Machines na kayang magbigay ng serbisyo sa hindi bababa sa 93 pasyente kada apat (4) hanggang limang (5) oras, Ultrasound na nagbibigay ng CD-recorded laboratory result sa mga pasyente at iba pa.

Advertisement