Virac, Catanduanes- Pormal nang idinekrala bilang tourist spot ang Puraran Beach sa Brgy. Puraran, Baras, Catanduanes.
Sa pagbubukas ng regular session ng 17th Congress sa pamamagitan ng House Bill No. 1201 na may titulong “An Act Declaring the Puraran Beach and its Premises located in Puraran, Baras, Catanduanes as a tourist spot and appropriating funds therefore,” na inindorso ni Cong. Cesar V. Sarmiento inaprubahan na ang naturang resolusyon.
Nakasaad dito na isasali na ang nasabing beach sa mga mga priority development ng Department of Tourism (DOT) at ipapasailalim na sa rules and regulation ng departamento sa development ng tourist spots sa lugar.
Bukod pa rito, inaatasan rin ang DOT sa pakikipag-ugnayan sa Infrastructure and Enterprise Zone Authority (IEZA) na gumawa ng development plan na may kinalaman sa konstruksyon, instilasyon, at pagmamantine ng nasabing pasilidad na siyang magpapaunlad ng turismo sa lugar isang (1) taon matapos aprubahan ang nasabing resolusyon subalit ang nasabing development plan ay titiyaking mapapanatili ang preserbasyon ng natural na ganda at historical significance ng lugar.
Kaugnay nito, inaatasan rin ang DOT na gumawa ng agarang hakbang upang ma-implement ang nasabing development plan at maisama ito sa overall tourism development program ng departamento sa mga susunod na taon. Gayundin ang paggawa ng kinakailangang rules and regulations upang maipatupad ang nasabing batas.
Ang pondo na gagamitin sa mga probisyon ng batas na ito ay magmumula sa taunang pondo ng General Appropriations o sa internally generated funds ng DOT. (RD4)