Virac, Catanduanes- Mas lalo pang pinaigting ng Provincial Veterinary Office (PVO) ang kanilang kampanya laban sa rabies sa pagsimula ng buwan ng Marso 2018 bilang Rabies Awareness Month.

Ang lokal na pamahalaan ng Catanduanes sa pamamagitan ng PVO sa pangunguna ni Dr. Jane C. Rubio ay pinangunahan ang Rabies Awareness Month-long celebration sa lalawigang ito na may temang “Barangay Kaagapay, Laban sa Rabies Tagumpay” na naglalayon at nagpapaigting sa information dissemination tungkol sa rabies upang maiwasan ang insidente ng rabies sa tao at aso sa lalawigang ito.

Base sa napagkasunduan ng Provincial Rabies Prevention and Control Committee sa pangunguna ni Gov. Joseph C. Cua at ng Department of Education (DepEd) – Catanduanes, nag-host ang DepEd sa pagsagawa ng symposium, forum at poster making sa Cabugao Integrated School at Bato Rural Development High School noong March 8, at sa Buyo Integrated School at Calatagan High School noong March 9, kasama ang PVO, Department of Health at ng Provincial Health Office.

Magkakaroon naman ng Dog Parade and Show sa March 21, pagsasanay sa mga anti-rabies vaccinators sa March 23 at Dog Castration sa March 26-30, 2018. Sinabi ni Gov. Cua sa isang memorandum at inaatasan ang lahat ng miyembro ng Provincial Rabies Prevention and Control Committee (PRCC) na maging aktibo sa iba’t-ibang aktibidad na may kaugnayan sa nasabing okasyon. (RD4/Radyo Pilipinas via Arlene Bagadiong)

Advertisement