Virac, Catanduanes – Ikinakasa na umano ng pamilya ni dating gobernador Araceli Wong ang paniningil laban sa mga taong nagdawit sa pangalan nila sa operasyon ng shabu laboratory.
Magugunitang idinawit ng maskaradong saksi na si Ernesto Tabor si Jardin Brian (JB) Wong bilang financier umano ng nasabing pabrika ng droga, at si PBM TipTip Wong bilang isa umano sa mga distributor ng nasabing iligal na droga.
Sa press conference na ginanap sa isang resort sa Catanduanes noong Abril 21, 2018, kasama ni dating gobernador na humarap sa Media si JB, at inamin nitong apektado ang kanilang pamilya sa mga nasabing paratang. “Masyadong nasaktan ang buong pamilya at masyado kaming nakaladkad sa kahihiyan kaya hindi namin puwedeng palampasin ito nang ganoon na lang,” pag-amin ng batang Wong.
Matatandaang, noong Pebrero inabswelto ng Department of Justice ang ilang akusado kasama na ang magkapatid na Wong dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
“Bagaman inaasahan na rin namin na talagang hindi magtatagumpay ang kaso laban sa amin ng Kuya ko, pero sabi ko nga, masyado rin kaming na-trobol. Ayaw namin na mangyari pa ito sa susunod kaya dapat may mga matuto ng leksiyon.”
Inamin ng batang Wong na patuloy na umano silang nakikipagpulong sa legal team ng pamilya para sa mga kaso na maaari nilang isampa laban sa mga tao. Sa tanong kung maaaring maisama sa uusigin nila si dating PNP Regional Director Ramon Melvin Buenafe, ayon kay JB, “Kung may kinalaman siya sa pagdadawit sa pangalan namin, maaari siyang masama.”
Sinabi ni JB na marami umano silang natutunan sa nangyari. ”Ang maganda ay naging mas matibay ang aming pamilya. Ngayon maghahabol kami, wala kaming hangarin para sa anumang monetary damages kundi kailangan nilang pagbayaran ang aming karangalan na sinira nila nang walang pakundangan at basehan”, pagpapatuloy nito.
Samantala, bagaman maganda ang tinakbo ng unang pagsabak sa pulitika ni JB, hindi na muna umano siya lalahok sa halalan para sa susunod na eleksiyon. “Mas malaki kasi ang responsibilidad na nasa akin ngayon mula sa aming negosyo kaya si Mama na muna. Pero tinitiyak ko, sa tamang panahon, magbabalik si JB Wong. Pero ngayon ang priority ko ay ang aming mga project sa negosyo at makapag-asawa na muna,” pagtatapos ni JB. (Ramil Soliveres)