Virac, Catanduanes- Habambuhay na pagkakakulong ang isang lalaki matapos itong mapatunayang nagkasala sa kasong panggagahasa sa sarili nitong pinsang menor de edad sa Brgy. Batalay, Bato, Catanduanes.
Sa sala ni Hon. Judge Lelu P. Contreras, ang presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 42 noong Abril 20, 2018, napatunayang nagkasala si Randy Tubiera y Tendenilla, binata,at residente ng nasabing barangay matapos nitong gahasain ang sariling anim (6) na taong menor de edad na pinsan sa magkakahiwalay na pagkakataon.
Hinatulan si Tubiera ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong at pinagbabayad ng P75,000.00 na civil indemnity, P75,000.00 na moral damages, at P75,000.00 na exemplary damages na subject sa 6% na legal interest bawat taon. Hindi rin pinapayagan ng hukuman na makapag-avail ng parole ang nasabing lalaki.
Sa impormasyon, isa sa mga pangyayari alas-3 noong Pebrero 29, 2016, habang naglalaro umano ng teks ang nasabing menor de edad na pinsan kasama ang nakababatang kapatid ng akusado sa loob ng bahay nito.
Nang makita umano ni Tubiera ang menor ay niyaya itong pumunta sa bukid kung saan sumunod naman ito. Noong marating na ang lugar ay tinanggal umano ni Tubiera ang suot na shorts ng menor at ang damit nito na nilapag sa damuhan kung saan pinahiga nito ang biktima. Kaugnay nito, tinanggal umano ng suspek ang shorts at ang brief nito at ipinasok ang ari nito sa menor na pumalag naman ang biktima. Matapos maisagawa ang kalaswaan, binigyan ng suspek ng teks ang biktima at iniwan. Agad namang nagsumbong ang menor sa mga magulang nito at dinala sa pagamutan para sa eksaminasyon.
Samantala, hindi naman nakapag-presenta ang suspek ng kontra ebidensya maliban sa sarili nito. Depensa ni Tubiera, malapit umano ito sa biktima at nakikita araw-araw sapagkat nakikipaglaro umano ito sa mga kapatid nito. Sinabi nito na habang nakikipaglaro ang biktima ay nanunuod umano ng telebisyon ang mga kapatid nito. Nang ipaalala kay Tubiera na araw ng Lunes ang nasabing petsa sinabi nito na umabsent umano ang mga ito sa hindi malamang kadahilanan at wala namang may sakit sa mga ito o okasyon sa pamilya.
Nakasaad sa desisyon na ang denial ay isang mahinang depensa, “It is an established jurisprudential that denial and alibi, being negative self-serving defenses, cannot prevail over the affirmative allegations of the victim and her categorical and positive identification of the accused as her assailant,” bahagi ng desisyon. Kaugnay nito, upang mapatunayan umano beyond reasonable doubt ang suspek sa statutory rape ay kinakailangang mapatunayan ng piskalya ang edad ng biktima, ang pagkakakilanlan ng suspek at ang carnal knowledge ng biktima bagay na na-satisfy ng prosekyusyon sa kasong ito.
Matatandaang nag-offer ang suspek ng plea bargaining sa pamamagitan ng abugado nito na nangangahulugan ng pag-amin nito sa kasalanang nagawa.