VIRAC, CATANDUANES – Hilaw pa umano pero niluluto ang tambalang Wong-Cua-Abundo para sa susunod na halalan sa 2019.

Ito ang kinumpirma ni dating gobernador Araceli B. Wong sa kanyang pagharap sa media noong Abril 20, 2018 sa Amenia Beach Resort sa Catanduanes.

Matatandaang lumikha ng malaking ingay ang pag-akyat ni Ex-Gov. Wong sa tanggapan ni Gov. Joseph Cua lalo na nang magsipagtaas ng kamay ang mga ito, kasama si Vice Governor Shirley Abundo na sa tingin at hinala ng marami ay isa nang namumuong alyansa.

“Sa akin wala namang problema kahit sino pa ang maging running-mate ko, ang mahalaga ay iisa ang aming layunin na magsilbi sa bayan, ”, paglalahad nito.

Ngunit binigyang-diin nito na ang kanyang pagdalaw kay Gov. Cua ay hindi para sa isang alliance talk, “Kundi bilang isang courtesy call dahil gusto kong mabisita ang Convention Center na ngayon ay halos tapos na. Ito ang isa sa pinakamalaki kong pamana para sa Catanduanes”, dagdag pa ng dating opisyal.

Sa presscon, inamin ni Wong na masaya naman siya sa nagiging performance ni Cua bilang gobernador. “I am so glad he is also fulfilling my every wish for the people of Catanduanes. At dahil dyan, bagay ba kaming magsama?” pabirong pahayag nito. Tungkol naman kay Vice Governor Abundo, ayon kay Wong, “Sure ‘yon, magsasama kami ni Shy.” (Ramil Soliveres)

Advertisement