Virac, Catanduanes – Sa pamamagitan ng isang prescription pad o reseta na isinumite ng pasyente, na ginamit bilang billing statement o resibo para sa koleksyon ng isang pampublikong duktor sa kanyang Professional Fee (PF), bilang private practitioner, nabunyag ang umano’y matagal nang kalakaran sa loob ng Eastern Bicol Medical Center (EBMC).
Tanong ng pasyente, tama ba na mag-private practice at mangolekta ng PF sa loob din mismo ng EBMC ang mga pampublikong manggagamot na dati nang binabayaran ng pamahalaan para sa kanilang serbisyo? At kung ito man umano ay tama at matuwid, bakit mga reseta ang ginagamit na bill and receipt, at bakit kailangan pang sa pribadong klinika ng isang duktor kailangang maganap ang bayaran?
Kinumpirma ng EBMC sa pamamagitan ng kanilang official social media page na may private practice nga ang kanilang mga kasamahan. Ngunit katuwiran ng EBMC, “Please be informed that EBMC, being Economic Enterprise, have policies and procedures in place regarding the private practice of its physicians.”
Sa Manual Of Policies and Procedures (MOP) ng EBMC na inaprubahan ni EBMC Chief Dr. Vietrez Abella noong March 2017, pawang mga espesyalista lamang ang nabigyan ng pagkakataon na makapag-private practice kagaya ng full-time specialists, part-time specialists at visiting specialists.
Ngunit kung pagbabatayan umano ang manner of appointment ng ilang EBMC doctors na nagpa-private practice, hindi umano sila na-hire ng EBMC bilang mga specialists. Ayon sa sources, pawang Medical Officer III (MOIII) ang job title ng mga EBMC doctor na nagpa-private practice. Bagaman mga specialist umanong maituturing ang nasabing mga duktor, dahil sa kanilang trainings, MOIII pa rin umano ang hawak nilang posisyon sa loob ng EBMC at ang mga ito ay hindi umano maaring mag-private practice.
Sa Guidelines on Professional Fees na nakapaloob sa nasabing MOP ay sinasabing, “All physicians entitled to collect professional fees shall readily provide an Official Receipt upon request.”
Sa MOP ay nakalagay din na ang mga duktor na nabigyan ng prebelihiyo na makapag-private practice, “Must render services without prejudice to the forty (40) working hours per week bilang mga full-time physicians. Ibig sabihin, sa labas ng kanilang required number of hours lamang sila maaring mag-private practice. Ngunit ayon sa sources, nagpa-private practice umano ang ilang EBMC doctors sa kasagsagan ng kanilang trabaho bilang full-time government physicians.