Atty. Eric Isidoro file photo (wearing black shirt)

Virac, Catanduanes- Hindi pa tiyak kung saan ang venue na paglilipatan sa pagdinig ng kaso na may kinalaman sa pagkakadiskubre ng tinaguriang ‘mega’ shabu laboratory sa Brgy. Palta, sa bayang ito noong Disyembre 2015.

Sa napurnadang arraignment ng caretaker ng shabu laboratory na si Lorenzo Piňera II noong Mayo 9,2018, sinabi ni Regional Trial Court- Catanduanes Executive Judge Lelu P. Contreras na wala pa umano itong ideya sa paglilipatan ng trial venue ng nasabing kaso kasunod ng pagpayag nito na ilipat ito mula sa RTC-Catanduanes at ang kustodiya mga akusado kasama na ang prime suspect na si Atty. Eric Augusto Isidoro. Ayon sa hukom, hindi pa tiyak kung ililipat ito sa Legaspi City, Tabaco City, o sa Manila dahil hinihintay pa umano ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman kung saan ito ililipat.

Kaugnay nito, pumayag umano ang hukom na ilipat ito ng trial venue sa kadahilangang pabor umano ito sa kanyang seguridad at makakapagpabawas ng stress sa kanyang opisina. Matatandaang ilang linggong naging usap-usapan ang tension sa pagitan ng hukom at ang prime suspect na si Isidoro simula ng makulong ito sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)- Virac kamakailan.

Sa kasalukuyan, hindi pa umuusad ang kaso ng shabu laboratory dahil sa nakabinbing petisyon ni Isidoro na ilipat ang trial venue ng kaso at kustodiya nito na nasa Supreme Court na upang resolusyunan. Samantala, ilang beses na ring naantala ang arraignment ng nasabing caretaker dahil sa kabi-kabilang mosyon na isinampa ng depensa kabilang na ang motion to quash search warrant na inihain ni Piňera sa pamamagitan ng abugado ni Isidoro na si Atty. Reynold Tabbu.

Samantala, hinimok ng hukom ng magsumite ang mga testigo ng mosyon upang ilipat ito sa RTC malapit sa Catanduanes upang hindi umano ito mahirapan na bumiyahe na una nang rason ng huwes upang manatili sa probinsyang ito ang pagdinig sa kaso.

 

Advertisement