Virac, Catanduanes- Pinagpaplanuhan ng mga top officials na gawing exclusive cargo port ang Virac port samantalang magiging passenger port naman ang San Andres port.

Ito ang pahayag ni Catanduanes Lone District Congressman Cesar V. Sarmiento sa panayam ng Bicol Peryodiko matapos ang pagbisita ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa noong Hunyo 1, 2018.

Ayon kay Sarmiento, ito umano ang mungkahi ng kalihim upang mas maging organisado ang mga pantalan sa lalawigan.

Layon ng nasabing hakbangin na pagandahin ang daloy ng transportasyon at maisaayos ang mga kargamento palabas at papasok ng lalawigan. Samantala, binisita rin ni Tugade ang mga pangunahing pantalan sa lalawigan partikular ang San Andres at Virac port kung saan nangako ang Philippine Port Authority (PPA) sa pangunguna ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago na aayusin at pagagandahin ang mga naturang pantalan. Dagdag pa ng solon, balak rin umanong maglagay ng pantalan sa Brgy. Bocon sa bayan ng Caramoran dahil sa pagsasaayos ng kalsada ng Sabloyon-San Miguel road patungong Viga area.

Samantala, isa rin umano sa mga ipinangakong tulong ni Tugade ay ang pagkakaroon ng ilaw sa runway upang magamit ito tuwing gabi at planong magkaroon ng night flight sa mga susunod na taon. Bukod pa rito, balak rin ng DOTr at ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na i-extend ang runway ng Virac airport mula sa 1.8 kilometro upang mai-consider na international airport.

Advertisement