Virac, Catanduanes- Hinihirit ngayon ng Federation of Virac Tricycle Operators and Drivers Association (FEDVITODA) ang karagdagang anim (6) na pisong dagdag pasahe mula sa kasalukuyang 9 pesos bilang minimum fare.
Pangunahing dahilan ng FEDVITODA ay ang malaking epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Aniya halos malaki ang itinaas ng mga pangunahing bilihin sa merkado dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng langis. Halos limang taon na rin umano ang nakakalipas mula ng maaprubahan ang dagdag pasahe, kung malaki na ang pinagbago ng halaga ng piso kumpara noon.
Ipinadala ang panukala ng grupo sa tanggapan ni Kag. Rosie P. Olarte, ang chairman sa Committee on Public Utility and Transportation. Kasama rito ang proposed fare hike sa ibat ibang destinasyon bilang pag-amiyenda sa Municipal Ordinance No. 2012-22.
Market to Palnab, Gogon, Francia, nearby barangays within the poblacion area and vice versa: mula sa dating P9- P15; Market to Provincial Health Office: P9-P15; Market-San Isidro Village/Airport: P10-P16; Market-SIV Interior (all government offices to PEO): P14-P20; Market-Imperial Subd./Our Lady’s Subd.: P15-P21; Market-CSU: P12-P18; Market-DepEd Division Office: P10-P16; Colawan-CSU: P11-P17; Taytay-CSU/Palnab: P12-P18; Palnab-CSU: P12-P18; Market-Zamboanga Farm: P12-P18; Market-Virac Cockpit: P14-P20; Colawan-Calatagan Tibang: P15-P21; Taytay-Calatagan Tibang: P15-P21; Capitol-Cavinitan (along national road): P15-P21.
Sa isinagawang public hearing noong Hulyo 12, 2018, inilatag ng grupo ang naturang kahilingan, kung saan inulan ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa iba’t ibang sector. Ayon sa mga kinatawan ng iba’t ibang sector, hindi umano makatarungan ang hiling ng grupo lalo’t higit tatamaan ditto ang mga estudyante at ang kabuuan ng riding public.
Batay sa existing taripa ng mga tricycle sa Bicol Region, ang Catanduanes ang may pinakamataas na singil na umaabot sa 9 pesos bilang minimum, kumpara sa ibang lalawigan na sumisingil lamang ng 7 hanggang 8 pesos. Samantala, kahit wala pang pagtaas sa pasahe, halos hindi na rin sumusukli ang karamihan sa mga tricycle drivers kapag binibigyan ng 10 pesos sa minimum fare na matagal ng inirereklamo ng riding public.
Sa isinagawang pagdinig, wala pang pinal na desisyon ang komite dahil papag-aralan pa umano ito ng Sangguniang Bayan, subalit tila nagkakaisa naman ang iba’t ibang sector na pagbigyan ang kahilingan sa halagang piso hanggang dalawang pisong dagdag, taliwas sa anim na piso na lubhang hindi umano makatarungan sa riding public.