SAN ANDRES, CATANDUANES – Siksikang mga silid-aralan at labis na init ang itinuturong dahilan ng halos araw-araw na pagkakahimatay ng mga mag-aaral ng San Andres Vocational School (SAVS).
Sa unang linggo ng Hulyo nang maitala ang fainting incident, sampung mag-aaral ang isinugod sa JMA Hospital dahil sa kakapusan ng paghinga. At sa ikalawang linggo noong Hulyo 11, umakyat na sa 15 ang mga estudyanteng isinugod sa pagamutan dahil sa katulad na kaso.
“These students suffered syncope secondary to heatstroke, nauubusan sila ng oxygen kaya nahihirapang huminga,” ayon kay JMA Hospital Dr. Ally Romano sa panayam.
Samantala, kwento ng mga estudyante, masyado umano silang nagsisiksikan sa loob ng kanilang classroom. Sa kasalukuyan, ang dati umanong silid-aralan na may 30 seats capacity lamang ay nagkakaroon ngayon ng mahigit 40 students.
Ayon pa kay Dr. Romano, malamang na dahil siksikan ang classroom kaya mataas din ang temperature ng silid. Sa paglalahad ng mga bata, wala umanong bentilador na gumagana sa loob ng kanilang silid-aralan dahil brownout buong araw sa kanilang paaralan.