VIRAC, CATANDUANES – Anim na kasapi ng budol-budol gang ang inaresto habang papalabas sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa ulat ng Virac Police, mag-iikawalo ng umaga noong Agosto 2 nang arestuhin ng pinagsanib na pwersa ng Virac Pnp, San Andrese at Coastguard personnels sina Elmer Aggabao, Steve Tan, Dave dela Cruz, Ritchie Sebastian, Marilou Soriano at Evangeline Padilla sa pamamagitan ng isang hot pursuit operations.
Ayon sa sampung complainant mula sa bayan ng Virac, modus umano ng grupo ang hikayatin ang mga storeowners na maging distributor ng mga frozen foods. Nagbibigay umano ng mga libreng frozen food samples, saka magpapa-order at kokolektahin na ang bayad sa pangakong idi-deliver sa susunod na araw ang mga paninda kasama ang libreng freezers. Ngunit kalaunan ay hindi na magpapakita ang nagpapanggap na ahente.
Iba’t-ibang halaga ang sinasabing nakulimbat ng mga suspek mula sa maliliit na negosyante sa Virac. Mula sa apat hanggang sampung libo bawat isa.
Batay sa impormasyon, sampu ang miyembro ng nasabing grupo na gumagawa ng nasabing operasyon sa lalawigan, ngunit anim lamang ang bumagsak sa kamay ng pulisya. Ayon sa hepe ng Virac Pnp na si Chief Inspector Josefino Titong, patuloy umano nilang tinutugis ang kinaroroonan ng mga natitira pang kasapi ng grupo.
Mula sa nasabing mga suspek, nasamsam ng otoridad ang walong pirasong cellphone na hinihinalang gamit sa iligal na transaksiyon ng grupo, isang yunit ng puting van, limang kahon ng iba’t-ibang processed and frozen meat products at malaking halaga ng salapi.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Titong,siniguro nitong sasampahan umano nila ng kasong large scale Estafa ang mga suspek. Kaugnay nito, nananawagan ang otoridad sa mga posible pang nabiktima ng grupo na makipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya at magsampa rin ng kaparehong demanda.