Virac, Catanduanes – Tumataginting na sampung milyong piso (P10M) ang halaga ng kasong libelo ang isinampa ng Sunwest Water & Electric Company (SUWECO) laban sa PADABA FM blocktimer na si Janelyn Rima.
Ayon sa reklamo ng SUWECO na inihain sa Pasig City RTC sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalita na si Lorenza Rojas, nasa nasabing siyudad umano siya nang makita umano niya ang facebook post ni Rima, na umano’y naglalaman ng mga mali at malisyusong paratang laban sa SUWECO, sa FICELCO, sa NEA at sa Ako Bicol Party-List.
Nakasaad umano sa facebook post ni Rima ang pahayag ng Catanduanes People’s Organization Working for Energy Reforms (C-POWER), ang umano’y pagsasabwatan ng mga nabanggit na power entities na umano’y siyang dahilan ng pagtaas na singil sa kuryente, gayundin ng malalang brownout sa lalawigan.
Sa complaint ni Rojas, malisyuso umano ang alegasyon ng facebook post na nagsasabi na ang SUWECO ay pag-aari ng magkapatid na sina Elizaldy at Christopher Co, na umano’y mga kilalang contractor sa administrasyong Arroyo. Binuo umano ng Sunwest ang AKB Party-list at ang pamilyang Co ang umano’y nagtamasa mula sa pork barrel at mga kontrata mula sa gobyerno.
Sa pagkakalimbag ng facebook post, tumanggap umano si Rojas ng mga tawag mula sa mga business partners ng SUWECO, sa mga suppliers at mga concerned individuals na nagtatanong umano sa kanya kung totoo ang mga paratang ni Rima. Ngunit sa inilabas na pahayag ni Rojas, pinasinungalingan niya ang mga argumento ng nasabing lady broadcaster.
Tumanggap na ng subpoena si Rima mula sa Pasig City RTC at pinagsu-sumite siya ng kanyang counter affidavits, supporting documents and witnesses kaugnay sa kasong cyberlibel.
Ang SUWECO sa kanilang reklamo ay humihingi ng moral damages na limang milyong piso, exemplary damages na limang milyon din at attorney’s fee na 500 thousand pesos.
Ayon kay Rima, nakahanda umano siyang sagutin ang demanda kung saan ihahain umano niya ang affidavit ng C-POWER convenors na nag-issue ng statement.
Si Rima ang ikalawang local media practitioner sa lalawigan ng Catanduanes na sinampahan ng cyberlibel case ng SUWECO. Magugunitang hinatulang guilty sa kaparehong kaso sina Catanduanes Tribune Columnist Rosulo Manlangit at publisher Fernan Gianan kung saan hinatulan silang mabilanggo sa loob ng tatlong taon at magbayad ng danyos na hindi bababa sa siyam na milyong piso. Nasa Appelate Court ngayon ang desisyon ng mababang hukuman at wala pang inilalabas na desisyon ang Court of Appeals.